NILINAW ng House prosecution panel na walang kaugnayan ang inaasahang kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita ng House prosecution panel at impeachment trial adviser, magkaibang usapin ang dalawang isyu at hindi dapat bigyan ng maling interpretasyon.
Ang pahayag ni Barbers ay kasunod ng mga espekulasyon na ang reklamong isasampa laban kay Marcoleta ay bahagi umano ng “coordinated effort” upang mapigilan itong makalahok sa impeachment trial.
“Well, nirerespeto ko ‘yung kanyang (Marcoleta’s) opinion. In fact, karapatan niya ‘yan na ganyan ang kanyang paniniwala. Kaibigan po natin ‘yang si Sen. Marcoleta, pero personally, walang kinalaman dito sa impeachment na ito ‘yung kasong kakaharapin niya,” ani Barbers.
Ipinaliwanag ni Barbers na ang usapin ay nag-ugat sa pag-amin mismo ni Senador Marcoleta na nakatanggap siya ng ₱75 milyong donasyon mula sa tatlong kaibigan para sa kanyang kampanya noong May 2025 midterm elections, na umano’y hindi naideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ayon kay Barbers, kumilos lamang ang Office of the Ombudsman batay sa naging pampublikong pahayag at pag-amin ng senador.
“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya ang admission o revelation. At dahil sa information na ‘yan, umakto immediately ang government anti-graft body about it. So that’s another problem that must be resolved by Sen. Marcoleta. But this has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte,” dagdag ni Barbers.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na walang matibay na batayan ang pag-uugnay sa kasong kinakaharap ni Marcoleta at sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
(TINA MENDOZA)
96 