QUEZON – Malubhang nasugatan ang isang babaeng pulis nang ang sinasakyang service vehicle, kasama ang 3 pang kapwa pulis, ay bumangga sa isang puno sa gilid ng highway sa Buenavista-Catanauan Road sa Barangay San Roque, sa bayan ng Catanauan sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa report ng Quezon PNP, nawalan ng kontrol sa kanilang sasakyan na Toyota Revo ang nagmamanehong isa ring pulis, sa palusong at kurbadang bahagi ng highway na nagresulta sa aksidente
dakong alas-7:00 ng gabi.
Grabeng napinsala ang katawan ni PSSg. Mira De Pasion Loren, 42, habang hindi naman nasugatan ang tatlong kasama nito na pawang mga miyembro rin ng Mulanay Municipal Police Station.
Isinugod ang biktima sa Bondoc Peninsula District Hospital sa Catanauan ngunit inilipat sa ibang ospital dahil sa maselang kalagayan. (NILOU DEL CARMEN)
252
