AGARANG nagmobilisa ng ayuda si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno para sa libu-libong Pilipinong naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao.
Sa direktiba ng Komisyoner, naghanda ang BOC ng 12 container ng mga nakumpiskang kagamitan upang maipamahagi sa mga apektadong komunidad at makatulong sa kanilang agarang pagbangon.
Kabilang sa mga ipamamahaging kagamitan ang medical supplies para sa mga ospital at frontline health workers, kahoy para sa pansamantalang tirahan, construction materials para sa pagkukumpuni ng mga evacuation center at paaralan, mga makinarya para sa clearing operations, at iba pang household items para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan.
Pinabilis din ng Aduana ang pagpapalabas ng mga nakumpiskang kagamitan bilang bahagi ng mas malawak na pagtugon ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad.
Sa Davao Region, pinangunahan ng Port of Davao sa ilalim ni District Collector Maita S. Acevedo ang pamamahagi ng relief goods sa mahigit 1,000 pamilyang naapektuhan sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Nagsagawa rin ng Operation Tulong 2026 ang Port of Zamboanga at Subport of Dadiangas kung saan naghatid sila ng pagkain, inuming tubig at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga apektadong residente sa General Santos City at karatig-lugar.
Samantala, naglunsad naman ng donation drive ang Port of Cagayan de Oro sa pangunguna ni District Collector Atty. Manuel O. Zurbito Jr. para sa mga komunidad sa SOCCSKSARGEN.
Nagkaroon din ng mga relief at donation drive ang iba pang BOC ports kabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Port of Manila, Manila International Container Port, Port of Cebu, Port of Iloilo, Port of Surigao, Port of Batangas at Port of San Fernando, La Union.
“Nagpapasalamat ako sa ating mga opisyal at kawani ng BOC for their quick response. Sa halip na manatiling nakatambak sa mga bodega, nais nating matiyak na makarating agad ang mga nakumpiskang kagamitang ito sa mga pamilyang nangangailangan,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Dagdag pa niya, patunay rin ng malasakit at bayanihan ng mga kawani ng Aduana ang kusang-loob na pagbibigay at pagbili ng relief goods para sa mga biktima ng lindol.
Ayon sa BOC, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak na mabilis, praktikal at napapanahon ang tulong para sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.
(JESSE RUIZ)
79 