IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine National Police na tutukan ang kaso ng pagpatay sa isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Davao del Norte.
Nilikida ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima na kinilalang si Karen Candilosas, isang senior aquaculturist ng BFAR National Mariculture Center sa Panabo City ng nasabing lalawigan.
Target naman ng manhunt operation ang hindi pa nakikilalang suspek na sinasabing bumaril sa biktima habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa Purok Marang sa Barangay Cagangohan, Panabo City kamakalawa ng umaga.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Panabo City Police, nasa loob ng kanyang nakaparadang pickup truck ang babaeng opisyal sa labas lamang ng fisheries and aqua-ventures office, nang lapitan siya ng suspek at binaril sa ulo ng ilang ulit.
Dead on the spot si Candilosas, habang mabilis na tumakas ang suspek na target ngayon ng isinasagawang backtracking ng mga imbestigador.
Agad na kinondena ng kanyang mga kasamahan sa BFAR ang umano’y senseless killing.
Hindi pa alam ang tunay na motibo sa pamamaslang. (JESSE KABEL RUIZ)
139
