OPISINA NG SIMBAHAN SINALAKAY NG KAWATAN

QUEZON – Tinangay ng hindi nakilalang kawatan ang mahigit P300,000 cash at $800 US dollars mula sa accounting office ng Gumaca Pastoral Formation Center sa Barangay Rosario, sa bayan ng Gumaca sa lalawigan noong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon, natuklasan ng dalawang accounting clerk ang insidente nang pumasok sila sa opisina bandang alas-8:00 ng umaga at nadiskubre na bukas na ang kanilang mga locker.

Batay sa CCTV footage, bandang alas-12:44 ng madaling araw nang makitang pumasok ang suspek sa pamamagitan ng pagsira sa grills ng comfort room at saka kinalkal ang mga locker.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nangangalap pa ng karagdagang CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Nagsagawa rin ang Quezon Forensic Unit ng crime scene processing habang nagpapatuloy ang follow-up operation upang matunton ang kinaroroonan ng suspek. (NILOU DEL CARMEN)

62

Related posts

Leave a Comment