PATULOY ang masusing imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa nangyaring sunog sa Navotas City na ikinamatay ng lima katao noong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ng Navotas City Public Information Office, dakong alas-7:02 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan sa isang bahay sa Gov. Pascual St., malapit sa San Roque Barangay Hall, Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.
Kaagad itinaas sa unang alarma bandang alas-7:14 ng umaga ang sunog na idineklarang under control dakong alas-7:42 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-7:53 ng umaga.
Bukod sa inaalam pa ang halaga ng naabong mga ari-arian, masusi ring kinakalap kung ano ang pinagmulan ng nasabing insidente dahil napakaaga nitong mangyari at halos gising na ang lahat ng mga residente sa nasabing lugar.
Namatay sa nasabing insidente ang lima katao na kinilalang sina Sarah Constantino, 41; kanyang anak na si Xylem Lorraine Constantino, 17, Senior High School student; pinsan na si Ruthie Tongco, 11, Grade 6; at ang magkapatid na sina Daniella, 13, Grade 8, at Kayla Jocson, 12, Grade 6.
Tumambad sa mga bumbero ang walang malay na katawan ng mga biktima sa loob ng naturang bahay kaya kaagad silang isinugod sa Navotas City Hospital subalit hindi umabot nang buhay dahil sa pagkakalanghap ng usok.
Ayon sa Navotas BFP, walang sugat o lapnos sa katawan ang mga biktima, palatandaan na namatay ang mga ito sa suffocation, at hindi rin dahil sa ano mang uri ng karahasan ang dahilan ng kanilang pagkasawi.
Maaaring na-trap sila sa loob ng bahay at kaya hindi agad sila nakalabas ay dahil sa makakapal na usok na nagresulta sa pagkawala ng kanilang malay dahil sa suffocation.
Iniutos na ni Mayor John Rey Tiangco sa mga staff ng CSWDO ang agarang tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas para sa pamilya ng mga biktima, kabilang na ang libreng libing/cremation. (MARDE INFANTE)
