WALA nang element of surprise.
Tila ganito ang nangyari nang sabihin ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi na sila nagulat na mayorya sa beneficiaries ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ay mga hindi totoong tao.
“Parang hindi naman na po kami nagulat doon,” ayon kay La Union Rep. Paolo Ortega matapos ireport ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 1,322 sa 1,992 indibidwal na lumagda sa Acknowledgement Receipt (AR) ay walang record ng kapanganakan.
Ipinaberipika ng House committee on good government and public accountability ang mga recipient sa confidential funds ng OVP na nagkakahalaga ng P500 million noong 2023 matapos kumpirmahin ng PSA na 405 sa 677 indibidwal na nabigyan umano ng spy funds ng Department of Education (DepEd) ay hindi totoong tao.
Bukod ang mga ito sa Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin na nakinabang umano sa P112.5 million confidential funds ng DepEd noong 2023 na dating pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
“Papunta na nga po doon at alam po natin na hindi po totoo itong mga taong ito at nagamit lang yung mga pangalan na ito para makapaglabas po ng kaukulang confidential funds,” paliwanag ni Ortega.
Ayon naman kay Zambales Rep. Jay Khonghun, patunay lamang umano ang report ng PSA na may sistematikong pandaraya sa paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo noong 2023.
“So, ang ibig sabihin dinoktor nila ang kanilang mga acknowledgement receipts. Sa madaling salita parang ito yung mga nangyayari noon na ginagawa sa Recto, dino-doktor yung mga dokumento,” ani Khonghun.
Dahil dito, kailangan aniyang maimbestigahan pa ang nasabing isyu upang mapanagot ang mga taong lumustay at nagbulsa sa pondo ng bayan.
Gayunpaman, itinigil na ng komite ang kanilang imbestigasyon sa confidential funds ni Duterte matapos itong sampahan ng impeachment complaint ng progresibong grupo at civil society group. (BERNARD TAGUINOD)
