DRIVER ARESTADO SA CARNAPPING

ARESTADO ang isang 39-anyos na delivery driver dahil sa kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act) nang matunton sa Raon Street, Barangay 308, Quiapo, Manila noong Lunes ng tanghali.

Kinilala ang suspek na si alyas “Ricky”, may asawa, residente ng Calasiao, Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Police Major Kevin Rey Bautista, hepe ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District, kay Officer In-charge (OIC) Police Lieutenant Colonel John Guiagui, ng District Intelligence Division (DID-2), bandang alas-12:00 ng tanghali nang madakip ang suspek sa nasabing lugar.

Nabatid sa report ni Police Master Sergeant Jervey Aguilar, may hawak ng kaso, inaresto ang nasabing delivery driver makaraang inguso ng impormante hinggil sa kasong carnapping.

Inaresto ang suspek sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Phillip Charles Santos, ng Regional Trial Court Branch 45 ng Manila.

Inirekomenda ng korte na maglagak ng P300,000 pyansa ang suspek para sa pansamantala niyang paglaya. (RENE CRISOSTOMO)

11

Related posts

Leave a Comment