HINILING ng isang mambabatas sa Department of Transportation (DOTr) na i-extend hanggang hatinggabi ang operation ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) upang makatulong sa mga manggagawa na nagtatrabaho hanggang alas-onse ng gabi.
Ginawa ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang kahilingan matapos i-anunsyo ng DOTr na hanggang alas-dose na ng hatinggabi ang operation ng LRT 1, RT2 at MRT 3 sa loob ng isang linggo na nagsimula noong December 16.
“Kung in-extend na natin for a week, bakit hindi natin ito gawin buong taon? Kung kaya nating i-maintain ang trains even with extended hours, then we can replicate this practice all year,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Cendaña na hanggang hatinggabi ang operasyon ng metro rail ng mga mga bansa sa Asya habang hanggang alas-diyes ng gabi lamang kaya kailangang tapatan umano ito ng nasabing ahensya.
“Tingnan natin ang ginagawa ng Bangkok, Taipei, Kuala Lumpur, Jakarta at Singapore. Again, we have to look at the best practices being done by other countries. We don’t have to reinvent the wheel,” pahayag ng mambabatas.
Malaking tulong aniya para maibsan ang paghihirap ng mga manggagawa na nasisimula ng hatinggabi ang kanilang trabaho kapag nag-operate ang LRT at MRT mula alas-singko ng umaga hanggang alas-dose ng gabi.
Dahil dito, hiniling ni Cerdeña sa DOTr na magpatawag ng dialogue sa mga commuters na mayorya ay mga manggagawa na siyang makikinabang kapag hanggang hating gabi ang operasyon ng LRT at MRT.
“We can achieve the best results kung makikinig tayo sa proposals from the affected sectors such as BPO and night shift workers, businesses that will benefit from extending the service, and outside technical experts. We have to listen to the commuters. It’s a disservice to them kung hindi man lang natin sila pakikinggan,” ayon pa sa mambabatas.
“Uulitin ko. Kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
