3 PANG NPA NAPATAY NG MILITAR

MULING nalagasan ang nalalabing bilang ng rebeldeng New People’s Army o NPA, matapos ang serye ng sagupaan sa bukiring bahagi ng Sitio Bulacan, Barangay Bolhoon, San Miguel, Surigao del Sur.

Ayon kay Col. Glenn Joy Aynera, Acting Brigade Commander ng 401st Infantry “Unite N’ Fight” Brigade, noong Biyernes, bandang alas-12:00 ng tanghali nang mangyari ang unang sagupaan laban sa Regional Operations Command ng North Eastern Mindanao Committee, na pinangungunahan ni Edilberto Reponte Daval, o alyas “Ka Bong” o “Wako”.

Sa kasagsagan ng palitan ng putok, napilitang tumakas ang mga communist terrorist at iniwan ang kanilang kasamahan na wala nang buhay na kinilalang si alyas “Ka Keroy” habang nasamsam ang limang matataas na kalibre ng baril.

Nagpatuloy ang pagtugis ng mga sundalo at noong Sabado ng umaga ay muling nagkasagupa ang tropa ng 75th Infantry “Marauder” Battalion katuwang ang 3rd Special Forces Battalion, at ang nasabing grupo na nagresulta sa pagkamatay sa dalawang rebelde.

Sa pinakahuling sagupaan sa pagitan ng militar at NPA, iniulat ang pagkamatay ng dalawang NPA at isa nilang kasamahan ang sumuko sa Sitio Catabadan, Barangay San Roque, San Miguel matapos ang 20 minutong bakbakan.

Kinilala ang dalawang babaeng rebelde na napatay na sina alyas “Ka Louise” at “Ka Plender” at dahil sa nararanasang hirap sa pagtakas sa mga humahabol na militar ay sumuko naman si “Ka Junjun,” na nagsabing lubhang mahirap ang buhay sa kabundukan at patuloy nang humihina ang kalagayan ng kanilang kilusan.

Ayon kay Aynera, ikinasa ang kanilang focused military operation dahil sa natanggap na intelligence report mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga rebelde sa lugar.

(JESSE RUIZ)

98

Related posts

Leave a Comment