P.5-M, ALAHAS, ARMAS NATANGAY SA BAHAY NG RETIRADONG PULIS

PINASOK ng hinihinalang mga akyat-bahay ang bahay ng isang retiradong pulis at natangay ng tinatayang kalahating milyong pisong halaga ng salapi at mga alahas bukod pa sa ilang pirasong baril sa Lucena City.

Sa ibinahaging ulat ng Lucena City PNP nitong Linggo ng umaga, sinalakay ng mga magnanakaw ang bahay ng 70-anyos na retiradong pulis na kasalukuyang nagbabakasyon sa United States.

Kinilala lamang ang biktimang si alyas “Vic,” at asawa nitong si “Hedy,” 71, naninirahan sa isang subdivision sa Barangay Gulang-Gulang.

Ayon sa imbestigasyon, natuklasan lamang ang panloloob ng mga suspek ng caretaker ng bahay na kinilalang si alyas “Mari,” 39-anyos, nitong Sabado ng tanghali nang magtungo sa bahay para maglinis at napunang nakabukas ang pintuan sa may gilid.

Nadiskubre ng caretaker na ni-ransack ang kabahayan kaya agad itong nagsumbong sa mga awtoridad.

Base sa paunang pagsisiyasat, lumilitaw na puwersahang sinira ng mga suspek ang pintuan ng bahay na yari sa kahoy para makapasok at dinistrongka ang vault sa master bedroom at tinangay ang mahahalagang bagay.

Kabilang sa inulat na natangay ang isang M16 rifle; isang CZ58 caliber 7.62 rifle; isang Uzi 9mm submachine gun; dalawang .38-caliber revolvers; isang .357-caliber revolver; isang Beretta 9mm pistol; at Walther 9mm pistol; isang .380 PPK/S pistol; at isa pang .380-caliber pistol; isang .45-caliber pistol; at isang .22-caliber pistol.

Nabatid pa na noong Marso 10 nang umalis ang mag-asawa patungong US at iniwan ang kanilang bahay nang walang tao.

Ayon sa salaysay ng caretaker, Abril 10, 2026 siya huling nagtungo sa bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis kasabay ng backtracking at pagrebisa sa closed-circuit television (CCTV) footages, para matukoy ang mga suspek.

(JESSE RUIZ)

131

Related posts

Leave a Comment