CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ABA, hindi sinalubong ng matamis na ngiti ang buena mano ngayong taon.
Sa tindahan kasi, ang buena mano o unang bumili ay may hatid na swerte sa negosyo. Sa negosyo ‘yan. Pero sa halip na ngiti – dagdag-kontribusyon na ipinatupad ng Social Security System (SSS) ang bumungad sa obrerong Pinoy.
Bumulaga sa mga pribadong manggagawa ang 15 porsyentong contribution rate umpisa nitong Enero 1, 2025, base sa Social Security Act of 2018 (Republic Act No. 11199).
Mas matindi at nakayayanig ito sa paputok na salubong sa Bagong Taon. Natural, aasim ang mukha ng mga miyembro ng SSS.
Binatikos ng ilang grupo ang ikinasa ng SSS. Tanong nga ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Rep. Arlene Brosas: Bakit daw ipinipilit ng gobyerno na kumayod nang kumayod ang mga manggagawa para sa taas kontribusyon habang hindi naman sinisigurado ang maayos na benepisyo at serbisyo.
Malupit na regalo ng bagong taon daw ito. Imbes na dagdag-sahod ay dagdag-kaltas ang naganap. Naku, buena manong malupit kaya panis talaga ang ngiti ng mga kontribyutor.
Ayon kay Carlo Villacorta, SSS Head for Public Affairs and Special Events Division, ang mas mataas na kontribusyon ay parte ng Republic Act 11199 o ng Social Security Act of 2018. Itinakda nito ang pagtaas ng kontribusyon kada dalawang taon na ang huling dagdag ay ngayong 2025.
Nakaaalarma na kapag hindi nagtaas ng kontribusyon, ang pondo ng SSS ay tatagal lang hanggang 2032 dahil sa umentong P1,000 na ibinigay sa lahat ng pensyonado mula 2017. Ngayon, dahil sa mga pagtaas ng kontribusyon, ang buhay ng pondo ay lumawig hanggang 2053.
Batas kaya dapat sundin. Sanay naman ang mga Pinoy pumasan kahit kandahirap sa kababadyet ng suweldong kapos.
Sabagay, mataas na kontribusyon, medyo malaki pensyon. Pensyon na pagdating ng panahon ay mababa rin ang halaga dahil sa pataas na pataas na gastusin.
Kung makikita at mararamdaman ng mga naghuhulog na maganda ang benepisyong ipinagkakaloob ng SSS, at hayag sa madla ang mga transaksyon ay baka ipagkibit-balikat na lamang ang dagdag-kontribusyon.
Teka, hindi kaya bangkarote na ang nasabing insurer kaya nakasalalay sa mas mataas na kontribusyon ang buhay nito?
Isa pang problema kay Pang. Marcos Jr. ito. Suspendihin kaya niya ang pagpapatupad ng RA 11199 para mapalubag ang kalooban ng mga pribadong obrero o dedmahin na lang tulad ng reklamo sa AKAP? Abangan.
