P561-M UTANG SA TAGAHAKOT NG BASURA ITINANGGI

ITINANGGI ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang umano’y kalahating bilyong utang ng lungsod mula sa waste management firm na Leonel Waste Management Corporation.

Kaugnay nito ay pinatutuos ni Manila Mayor Honey Lacuna sa City Treasurer’s Office kung magkano talaga ang utang ng lungsod subalit naniniwala itong wala pa itong P500 million.

Nabatid na inaantabayan ngayon ni Mayor Lacuna ang ibibigay na update ng City Treasurer’s Office sa naturang isyu.

Ipinaliwanag ni Mayor Lacuna na wala umanong sinabi ang kumpanya na P500 milyong utang ng lungsod sa Leonel Waste Management sa huli nilang pagpupulong noong Setyembre ng 2024, bagamat sinabi nito na hindi na ito sasama sa bidding para sa waste management contract ng Manila para ngayong 2025.

Samantala, inihayag din ng alkalde na puspusan ang ginagawang paglilinis ng mga waste management contractor sa mga basura sa siyudad simula pa noong Enero 1 kung saan tumaas ng 400% ang volume o dami ng basurang nahakot nitong nagdaang holiday season.

Pinabulaanan ng naturang kompanya na inabandona nito ang tungkulin nito na kolektahin ang mga basura sa siyudad bago matapos ang kontrata noong Disyembre 31.

Sa isang statement, sinabi ng kompanya na matapat nilang isinilbi ang kanilang kontrata hanggang sa katapusan ng Disyembre sa kabila umano ng kabuuang utang ng lungsod ng Maynila sa kanila na nagkakahalaga ng P561,440,000. (JESSE KABEL RUIZ)

144

Related posts

Leave a Comment