P9.2-B NEW PASIG CITY HALL PROJECT DEAL NILAGDAAN NA

NILAGDAAN na ang kontrata ng kontrobersyal na P9.2-B new city hall project ng Pasig, na ayon kay Mayor Vico Sotto ay ang “pinakamalaking proyektong pang-imprastraktura sa kasaysayan ng Lungsod Pasig.”

Ang nasabing kontrata ay nilagdaan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at tatlong kompanya na bumubuo sa construction consortium sa isinagawang seremonya sa temporary city hall sa Brgy. Rosario kahapon, Enero 13, 2025.

Nanalo sa bidding ang Sta. Clara International Corporation, Bandar Hebat Builders Inc., at Philjaya Property Management Corporation upang itayo ang bagong city hall.

Bago nito, sinabi ni Mayor Vico na noong una pa lamang niyang pag-upo noong 2019 ay kapansin-pansin na ang mga namataang cracks at damages sa kasalukuyang gusali kung kaya minabuti niyang sumangguni sa isang structural engineering firm nang sa gayon ay mapag-aralan ang tunay na kalagayan nito.

Ayon pa kay Sotto, lumabas sa nasabing pag-aaral ng SY^2 + Associates, Inc. na hindi na umano ligtas ang kasalukuyang gusali kung kaya nagpasya siya na magpagawa na lamang ng bagong city hall.

Ang itatayong gusali ay mayroong 65,000 square meters at 45,000 floor area na kayang sumuporta sa 15,000 foot traffic araw-araw.

Hinimay rin sa paglalagda kung saan mapupunta ang P9,644,918,000.00 bilyong inilaan na badyet ng Pasig City sa konstruksyon na itatayo sa loob ng 720 calendar days.

“Nagsimula tayo dahil kailangan natin itong gawin, pero sabi nga, ayusin na natin, gandahan na natin,” ang pahayag ni Mayor Vico Sotto.

Ipinaliwanag rin ni Sotto na halos 1 bilyong piso umano kada taon ang natitipid ng Pasig ngayon, na dati ay nabubulsa lamang umano kung kaya “para rin tayong nagpatayo ng city hall na world class na libre,” dagdag pa ng alkalde.

Naging kontrobersyal ang nasabing proyekto dahil marami ang kumuwestiyon partikular na sa bilyon pisong halaga nito. (NEP CASTILLO)

126

Related posts

Leave a Comment