DAMAY-DAMAY NA!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI lang si House Speaker Martin Romualdez at ilang kongresista ang kinasuhan kundi maging ang Technical Working Group (TWG) ng 2025 national budget.

Pinangunahan ni dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez ang pagsasampa ng kaso laban sa TWG, kay House Speaker Romualdez at ilang kongresista.

Kabilang sa mga kinasuhan sa Quezon City Prosecutors’ Office ay mga respondent na pinangalanan lamang bilang mga “John Doe” at “Jane Doe” na tumutukoy umano sa mga TWG member na nag-assist at naglagay ng halaga sa mga blangkong bahagi ng niratipikahang 2025 Bicam report.

Sina Romualdez, House Majority Leader Jose Manuel Dalipe, dating Appropriation Committee chairman Elizaldy Co at Senior Vice Chairman ng nabanggit komite na si Marikina Rep. Stella Quimbo, ay ipinagharap ng 12 bilang ng falsification of public documents.

Kinasuhan din sila ng paglabag sa Anti-Graft and Corruption Act na isinampa rin ng grupo ni Alvarez sa Office of the Ombudsman, matapos matuklasan na umabot sa P241 bilyon ang isiningit umano ng Kamara sa pambansang pondo na nagkakahalaga ng P6.352 trilyon.

Hinamon ni Alvarez si Co at mga miyembro ng TWG, na magsabi ng totoo kapag nilitis na sila ng husgado sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Samantala, sinabi naman ni Taguig Rep. Amparo Maria Zamora na karapatan ng sinoman, kasama si Alvarez, na magsampa ng kaso upang magkaroon ng pagkakataon ang mga akusado na idepensa ang kanilang sarili.

Gayunpaman, labis na nagtataka si Zamora dahil sa hinaba-haba aniya ng pagdinig sa pambansang pondo sa komite at maging sa plenaryo, ay hindi umano nila nakikita si Alvarez na sumasali at ginagampanan ang kanyang tungkulin.

“Bilang assistant majority leader, parati po akong nasa session floor, bihira ko po siyang makita. So, nandoon na po iyong chance sana na kung mayroon siyang sisilipin, mayroon siyang mga tanong, masasagot na sana noon pa,” ayon pa sa mambabatas.

Nauna nang kinuwestiyon sa Supreme Court nina Atty. Vic Rodriguez at Cong. Ungab ang legalidad ng pagkakapasa ng General Appropriation Act (GAA) para sa 2025 national budget.

Dahil sa pagkuwestiyon na ‘yan, binigyan ng 10-araw ng Supreme Court ang Kamara, Senado at si Executive Secretary Lucas Bersamin na sagutin ang petisyon nina Atty. Rodriguez at Cong. Ungab.

Mawindang kaya ang BBM admin dahil sa kaliwa’t kanang pagkuwestiyon sa legalidad ng 2025 national budget?

Saan kaya huhugot ng gagamiting budget si PBBM? Laking problema ‘yan, mga bossing.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

57

Related posts

Leave a Comment