BARKO NAHARANG SA EEZ, PAGPUSLIT NG 5 TONS NG SHABU NAPIGILAN

NASAWATA ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Drug Enforcement Agency ang tangkang pagpuslit ng tone-toneladang shabu ng isang barko papasok ng Pilipinas.

Ayon sa ulat, bunsod ng intelligence report mula sa kanilang counterparts sa ibang bansa, napigilan ang tangkang pagpasok ng barko na may kargang 5 tonelada ng shabu

Ayon sa PCG, ang naturang barko ay na-track na nasa labas pa ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, malapit sa Mindoro.

Base sa impormasyong ibinahagi ng PCG, … “coast guard personnel and the PDEA collaborated in averting the entry of a vessel suspected to be loaded with a large volume of illegal drugs outside the Philippines’ exclusive economic zone (EEZ) closest to the coast of Mindoro.”

Ayon kay PCG commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, isinagawa ng dalawang ahensiya ang operasyon sa gitna ng masungit na panahon.

Gamit ang maritime assets ng PCG, nagawa nilang pigilan ang barko na makapasok sa teritoryo ng Pilipinas at naitaboy ito palayo sa bansa.

Pinaniniwalaang naglalaman ang naturang barko ng hanggang limang tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P34 billion. Ito ay batay sa intelligence report na natanggap ng PDEA.

Sinabi ni PDEA spokesman Joseph Frederick Calulut, batay sa intel report, may barko na papasok sa Pilipinas na may lulang droga, kaya nagsagawa ng pakikipag-ugnayan sa PCG para mapigilan ito.

Sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ng PCG ang pagkakakilanlan ng barko at kung saan ito nagmula. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment