PATAY ang isang teroristang komunista matapos makipagbakbakan sa tropa ng mga sundalo sa Brgy. Baluan, sa Palimbang, Sultan Kudarat, dakong alas-11:00 umaga nitong Linggo.
Ayon kay Lt. Col. Aaron T. Gumabao, pinuno ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, nasa 20 miyembro ng komunistang teroristang grupo ang nakasagupa ng kanilang operating team, na nagresulta sa pagkamatay ng isang kasapi ng nasabing grupo. Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng napatay terorista.
Narekober mula sa bangkay ang mga kagamitang pandigma, kabilang ang isang M16 rifle at isang M14 rifle.
Samantala, inatasan ni Brigadier General Michael A. Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, ang kanyang mga tauhan na ipagpatuloy ang pagtugis sa nakatakas na mga kasapi ng komunistang terorista.
“This operation is a clear message that we will not tolerate the presence of these lawless elements in Sultan Kudarat,” pahayag ni Brig. Gen. Santos.
Kaugnay nito, nananawagan si Brigadier General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, sa natitirang miyembro ng grupo na talikuran na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan.
“Ang inyong Hukbong Katihan ay handang tumanggap sa mga nais magbagong-buhay. Sa halip na patuloy na mabuhay sa takot at panganib, maaari kayong bumalik sa mapayapang pamumuhay kasama ang inyong pamilya,” ani Brig. Gen. Gumiran.
Muling tiniyak ng pamunuan ng 6ID na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon. (JESSE KABEL RUIZ)
