PAGAWAAN NG ATAUL SA QUEZON NATUPOK

QUEZON – Tinupok ng apoy ang isang pagawaan ng ataul sa sunog na sumiklab sa Sitio Malalim, Brgy. San Jose, sa bayan ng General Luna sa lalawigan noong Linggo ng hapon.

Ayon sa report ng General Luna Police, nakita na lamang ng may-ari ng pagawaan ng ataul na si “Terming”, 43, na nagliliyab ang istruktura bandang alas-2:30 ng hapon.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang pagawaan ng ataul.

Agad namang nagresponde ang mga pamatay-sunog ng BFP General Luna at mga bombero ng mga karatig bayan ng Macalelon at Catanauan.

Naapula ang apoy bandang alas-3:15 ng hapon.

Bukod sa mga ataul, kasama sa mga natupok ang anim na sasakyan at tatlong motorsiklo na nakagarahe sa lugar.

Hindi pa matukoy ang eksaktong bilang ng mga ataul na nasunog. Ayon sa BFP, faulty wiring ang sanhi ng sunog.

Patuloy na iniimbestigahan ng General Luna BFP ang insidente upang matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala. (NILOU DEL CARMEN)

8

Related posts

Leave a Comment