NABURYONG SA ALAK, NAMARIL NG KAINUMAN

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang magsasaka makaraang pagbabarilin ang kanyang ka-barangay na dating security guard, nang magtalo habang nag-iinuman sa bayan ng Alfonso sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa Dr. Poblete Hospital ang biktimang si alyas “Dick”, 72, residente ng Brgy. Kaytitinga 1, Alfonso, Cavite, dahil sa tama ng bala ng baril.

Kinilala naman ang suspek na si alyas “Randy, 51, ka-barangay ng biktima.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang dalawa sa Brgy. Kaytitinga 1, Alfonso, Cavite bandang alas-9:15 ng gabi ngunit sa kalagitnaan ng kanilang inuman, nagkaroon sila ng mainitang diskusyon hanggang sa napikon ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ng ‘di nabatid na kalibre ng baril ang biktima.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital. (SIGFRED ADSUARA)

5

Related posts

Leave a Comment