P3.5-M SHABU AT BARIL NAKUMPISKA SA BUY-BUST

MAHIGIT tatlong milyong pisong (P3,570,000) ang halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan Provincial Office (PDEA PANG PO) at PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit 1 (PDEG-SOU 1) sa Lungsod ng Urdaneta sa Pangasinan.

Kinilala ni PDEA Regional Director, Director III Joel B. Plaza ang suspek na si alyas “Odi”, 57, residente ng nasabing lungsod, naaresto bandang alas-2:35 kahapon ng madaling araw, Marso 11, 2025, na nahulihan din ng isang baril.

Nasamsam sa inilunsad na anti-narcotics operation ang anim na pirasong transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 525 gramo, isang cal. 45 pistol na may loobang holster, isang magazine assembly, at pitong buhay na bala.

Bukod pa sa apat na mobile phones, iba’t ibang drug paraphernalia, limang bungkos ng hindi pa nagagamit na plastic sachets, isang brown sling bag, isang “Victoria’s Secret” paper bag, isang brown envelope, isang “Lazada” blue plastic, isang identification card, dalawang libong piso (P2,000) na cash sa iba’t ibang denominasyon, at ang buy-bust money.

Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Pagbebenta ng Mapanganib na Droga) at Section 12 (Pag-iingat ng Drug Paraphernalia) ng Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin sa paglabag sa RA 10591, o ang Batas sa Komprehensibong Regulasyon ng Baril at Bala at ang Pagpapataw ng Parusa sa Mga Paglabag Nito.

Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng PDEA Pangasinan Provincial Office sa Lungsod ng Urdaneta sa Pangasinan. (JESSE KABEL RUIZ)

9

Related posts

Leave a Comment