BASAG-KOTSE GANG UMISKOR, GADGET AT CASH NATANGAY

CAVITE – Natangay ang ilang gadgets at ‘di pa nabatid na halaga ng cash ng hinihinalang mga miyembro ng basag-kotse gang sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Tagaytay City at General Trias City sa lalawigan noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Julius Lanting, 29, accountant, ng Brgy. Florentino East, Tagaytay City; Fernando Videña Magno, 52, at asawa nitong si Marisol Nuerto Magno, 50, kapwa residente ng Brgy. Pook 2, Silang, Cavite.

Napag-alaman, ipinarada ni Lanting ang kanyang Toyota Innova sa parking area ng isang restaurant sa Brgy. Kaybagal South, Tagaytay City bandang alas-6:50 noong Lunes ng hapon ngunit pagbalik niya dakong alas-8:25 ng gabi, napansin na basag ang salamin sa kanang bahagi ng kanyang sasakyan at nawawala ang kanyang laptop, headphones at wallet na ‘di binanggit na halaga ng laman.

Base sa CCTV footage, dalawang kalalakihan ang sumalakay sa kanyang sasakyan at tumakas lulan ng motorsiklo patungo sa east direction ng Tagaytay City.

Samantala, ipinarada naman ng mag-asawang Magno ang kanilang sasakyan sa harapan ng Saint Francis Chapel sa Brgy. Pinagtipunan, Gen. Trias City upang dumalo sa birthday celebration ng kanilang kaibigan sa Brgy. Painagtipunan, Gen. Trias City bandang alas-4:00 ng hapon noong Lunes.

Subalit pagbalik ng mag-asawa, basag na ang harapang salamin ng kanilang sasakyan at nawawala ang iniwang bag na naglalaman ng mahalagang dokumento at ‘di pa nabatid na halaga ng cash.

Ini-report nila ang insidente sa barangay at base sa CCTV footage, dalawang kalalakihan ang naispatan sa lugar at isa sa kanila ay namukhaan makaraang magtanggal ng helmet matapos ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)

14

Related posts

Leave a Comment