NAITALA ang pagsipa sa mahigit 13 porsyento ng kaso ng cyberlibel, ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group.
Sa ulat, 13.53% ang kaso nitong nakalipas na Pebrero o 151 kumpara sa 133 na kaso noong Enero.
Sinabi ni ACG Acting Director Brigadier General Bernard Yang, na patuloy ang pag-angat ng kaso ng online defamation o paninirang puri dahil sa mabilis na paglaganap ng hindi beripikadong impormasyon sa mga digital platform.
Ang mali o malisyosong content kasi ay maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao at magdulot ng mental, emotional at physical distress sa tao.
Dahil dito, patuloy na pinaiigting ng PNP-ACG ang kampanya laban sa cybercrime at hinikayat ang publiko na maging responsable sa paggamit ng internet.
Pinaalalahanan din ang lahat na agad i-report ang anomang kahina-hinalang aktibidad sa online. (TOTO NABAJA)
