PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NAGBIBILANG na lang ng araw, ang kalat na usap-usapan sa bawat sulok ng City hall, wala na nga — tapos na ang eleksiyon sa Maynila, at kahit ano pang propaganda, pabida o pagbibigay ng ayuda, mga pangakong itataas ang social pension ng seniors, solo parents at PWDs at kahit pa lumuhod sa katedral ang mga katunggali ni Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, naitadhana ang dramatikong pagbabalik niya bilang alkalde ng siyudad.
‘Yung survey, iisa ang sinasabi: runaway winner si Yorme — na bukambibig na tawag na Isko — hindi lang sa Maynila, kundi maging sa ibang LGUs, pati ang traditional at social media.
Naitatak na sa isip at puso ng madlang bayan, lalo sa Manilenyo ang katumbas na kahulugan ng “Yorme.”
Hindi lang ito pabalbal na pagbaligtad sa English word na isinalin sa Pilipino na Meyor, nasa isip ng bayan, kakambal ang tawag na Yorme sa maraming kamangha-manghang ginawa ng basurero-kargador, artista-matinee idol upang maiahon ang sarili sa kadukhaan, manapa, naisalba at naibalik ni Isko ang dating sigla, kasayahan at dangal ng Maynila!
Ang nagawa ni Yorme Isko sa panahon ng pandemyang COVID ay imbes na pumilay sa trabaho, hanapbuhay at kabuhayan ng Manilenyo, agad may solusyon siya.
Angkat agad ng gamot, bakuna laban sa pandemya, mabilis na aksiyon na itaas ang kalidad at serbisyo sa mga ospital, at napatunayan ni Yorme ang malasakit sa kapwa Pinoy.
Kung ang ibang LGU ay ‘di alam kung paano isasalba ang kabuhayan, nakita sa Maynila ang todong infra projects: mura at modernong bahay sa mahihirap; serbisyong medikal, gamot at kalinga kahit hindi residente ng lungsod.
Oportunidad sa trabaho, ibinigay ng aksiyong mabilis, at sa isang old video, malinaw na sinabi ni Honey Lacuna noong siya ang bise-alkalde ni Isko, na lagi nang may bagong proyekto, programa at solusyon si Isko sa mga problema ng siyudad.
Sa pahayagan, brodkast sa radio at television, lalo na sa social media, sinasabi na ang ginawa ni Yorme Isko ay naging padron, modelo at huwaran ng ibang lokalidad sa bansa.
Sabi nga, kung nasaan ang Maynila, nakasunod ang ibang LGUs, at gawa ito ng maagap at maliksing kilos ni Kois.
Kaya ‘yung sinasabi na “manipulated” daw ang survey na nagtatakdang sure winner si Yorme, pinasisinungalingan ito ng aksiyon sa City hall.
Bakit kailangang humingi pa ng permit ang mga miting, caucus near sa City hall, sa mga publikong lugar, at kahit sa mga prinadong venue?
Sa kalye survey, ang sigaw ng pagbabalik ni Yorme Isko ay alingawngaw ng pulso ng taumbayan.
Maski ang supporter ni incumbent Mayora Honey Lacuna ay nakadarama ng lungkot sa nakaiiyak na pulso ng mga botante.
Sa SWS, Pulse Asia at sa Octa Research, mas prefer nila si Yorme, at ‘pag tinatanong, bakit si Isko ang gusto nila, ano ang maririnig na sagot: Parang wala raw gobyerno sa Maynila na ang problema sa basura ay hindi maiayos.
Amoy ihi, ebak ang Liwasan; magulo ang trapik, at ang krimen, tumataas, at ang kabuhayan, infra projects na ipinangakong itutuloy, walang maililista na gaanong nagawa ang kasalukuyang gobyerno ni Lacuna.
Overwhelming, umaapaw ang sigla ng sagot ng mga botante — 74% sabi ng Octa, at hindi ito “aksidente” o “tsamba” lamang.
Kinasasabikan ng Manilenyo na maibalik nang masigla, ang kasigasig at dinamikong sigla at kisig ng lideratong natikman nila noong si Isko ang alkalde ng Maynila.
Saka, ang istorya ni Yorme Isko ay kunektado sa puso ng maraming kapos sa buhay, at ang buhay ng tagumpay niya ay isang inspirasyon ng maraming kabataan na makita ang sarili — na kahit paano, sila ay maging katulad ni Isko.
Mula sa dusa ng kahirapan, nakamit ang alwan sa pamumuhay bunga ng tiyaga, pagsisikap at pagtitiwala sa sarili, at ang pananalig sa magagawa ng Amang Diyos.
Inaasahan nga na mas mangingibabaw si Honey kasi siya ang reyna ng city hall: siya ang may poder, may mga tao, may pondo at lahat ng ahensiya ng local government ay mapakikilos niya sa nais niyang direksiyon at gusto.
Pero ano ang naisubi ni Honey sa Octa — nakalulunos na 9%, at anong ang kahulugan nito?
Dismayado, inis at galit ang Manilenyo.
Bakit marumi ang lungsod, bakit walang bagong proyekto at programa, bakit wala ang ipinangakong mahusay na liderato, ang ipinangakong susundan ang mga yapak ni Isko.
Ang gobyerno parang maysakit at walang vision at aksiyon, sino ang hindi mabubuwisit, tapos naiisip ng Manilenyo, bakit hindi ibalik ang bilis-kilos na gobyerno ni Yorme Isko?
Mas mabuti pa si Party-list Cong. Sam Versoza — na sa isang video ay ipinagmalaki na mahigit daw kalahating bilyong piso (taxpayers’ money) ang ipinamigay niya, courtesy ni Speaker Martin Romualdez at kapanalig nito sa Kamara.
Kumabig si Sam ng 15% sa Octa na patotoo, sawa ang Manilenyo sa kawalang-aksiyon ng namumuno sa city hall.
Bagito si Verzosa sa politikang Maynila, pero sa dismaya kay Lacuna, mas malaking porsiyento ang nakuha niya — sa nakahihiya at nakaiiyak na 9% ni Honey.
Ilang tulog na lang, at nakasulat na sa balota: babalik si Isko, at muling sisigla, muling maibabalik ang glorya ng Maynila.
Sabi nga ni Yorme Isko, nagawa na niya ang maibalik ang dangal ng Maynila, “Magagawa uli namin, at mas maganda pa!”
Lalo na at kay sisigla ng Yorme’s Choice at kapartner ni Isko sa pagbabalik ng dangal ng Maynila ay ang vice mayor niyang si Chi-Chi Atienza.
Aariba na uli ang Maynila, asahan na ito, tiyak na mangyayari, magaganap, konting tiis na lamang, konting paghihintay na lamang.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
