PINAYUHAN ng isang miyembro ng Commission on Appointment (CA) ang mga kontra sa promosyon ng halos tatlong daang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghain na ng reklamo kung mayroon man silang nais idulog sa mga kinauukulan.
“The public is encouraged to submit any information, written reports, or sworn/notarized complaints or oppositions against any of the appointees to the CA Secretariat,” ani CA Assistant Minority Leader at Surigao del Sur representative Johnny Pimentel.
Ginawa ng mambabatas ang panawagan matapos matanggap ng makapangyarihang komisyon ang appointment papers ng may 278 opisyal ng AFP na itataas ang ranggo sa pangunguna ni Deputy Chief of Staff for Personnel Major General Rommel Roldan, na ipo-promote bilang lieutenant general.
Kabilang din sa itinaas ng ranggo bilang mga major general na sina Brigadier General Edwin Amadar, Benedict Balaba, Donald Gumiran, Francisco Lorenzo Jr., Michael Samson at Elmer Suderio at gayun din sa Karl Decapia na itataas sa ranggong Rear Admiral.
Mula sa full Colonel, magiging mga Brigadier Generals naman sina Onorlie Brillantes, Ricky Bunayog, Edgar Catu, Bayani Curaming, Patrick De Villa, Billy Dela Rosa, Danilo Dupiag, Rommel Allan Genete, Dean Mark Mamaril, Vicente Naldoza Jr., Eugenio Julio Osias IV, Nhel Richard Patricio, Nestor Pedro, Melencio Ragudo, Erwin Salibad at Enrico Yuzon.
Magigin mga Commodore din sina Sergio Bartolome, Zosimo Bolaños Jr., Joselito De Guzman, Lued Lincuna, Jeff Rene Nadugo, Edwin Nera at Charles Merric Villanueva, kapag lumusot ang mga ito sa CA.
Umaabot naman sa 202 ang bagong mga colonel at 45 ang naval captain.
Noong nakaraang taon, tinabla ng CA ang promosyon ng isang Army colonel sa ranggong brigadier general matapos harangin ito ng kanyang asawa dahil sa alegasyon na pisikal na pang-aabuso sa kanya, pakikiapid at pagpapabaya sa kanilang mga anak.
Ang CA na binubuo ng 25 miyembro, kung saan 12 ay mga congressman, 12 ang senador habang ang Senate President ang tumatayong chairman, ang siyang inaatasan ng Saligang Batas na busisiin ang mga appointee ng Pangulo kung nararapat o hindi ang mga ito sa kanilang tungkulin. (PRIMITIVO MAKILING)
