MARTIAL LAW MALABONG MANGYARI – GARIN

TINAWAG na ispekulasyon at malaking fake news ang kumakalat na impormasyon na magdedeklara umano ng martial law si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaya hindi matutuloy ang midterm elections sa nalalapit na buwan ng Mayo.

“Napakalayo sa katotohanan noong fake news na magkaka-martial law,” anang House Deputy Majority Leader Janette Garin, matapos lumutang ang isyu na posibleng magdeklara si Marcos ng batas militar kapag nagtuluy-tuloy ang kilos protesta ng mga supporter ni dating pangulong Rodrigo Duterte na ngayo’y nahaharap sa reklamong crimes against humanity sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.

Hindi lingid sa lahat na kaliwa’t kanan ang isinagawang kilos protesta ng mga supporter ng dating pangulo matapos itong arestuhin at dalhin sa Netherlands para litisin sa pangunguna ni presiding Judge Iulia Antoanella Motoc ng Romania.

Dahil dito, kumalat ang impormasyon na kapag nagtuluy-tuloy ang mga demonstrasyon, posible umanong magdeklara ng martial law si Marcos Jr. para hindi na rin matuloy ang national at local at elections (NLE) sa Mayo 12, 2025.

“Saka isa pa, eh bakit nakikita mo naman todo iyong ikot ng pangulo para mangampanya sa eleksyon? Kasi kung magde-declare iyan ng martial law, wala nang mag-election. So it’s really untenable, parang malayung-malayo,” dagdag pa ng mambabatas.

Indikasyon aniya ito na matutuloy ang eleksyon sa Mayo kaya pinayuhan ng mambabatas ang publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala sa mga nababasa o naririnig nila lalo na kung galing ang mga ito sa mga trolls.

Lalong malabo umano na magkaroon muli ng martial law sa bansa dahil kapag ginawa ito ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay mababalewala ang mga pinaghirapan nito sa halos tatlong taong pamumuno sa bansa at maging ang mga naunang pangulo sa kanya.

“Kapag martial law ka, parang lahat ng pinaghirapan ng Pangulong Bongbong Marcos, kaakibat na iyong mga nakaraang administrasyon, ay itatapon lamang. So napakalaking fake news nito.

Kung magma-martial law, napakabaliktad nun, napakataliwas niyan doon sa ginagawa ng administrasyon ngayon,” mariing paliwanag pa ni Garin. (PRIMITIVO MAKILING)

8

Related posts

Leave a Comment