LACSON: IWASAN LUMIKHA NG GULO SA MGA KILOS PROTESTA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KUNG saan-saan sumusulpot ang protesta ngayon ng grupong pabor at kontra Duterte.

Masigasig ang mga pro-Duterte o iyong Duterte Die-Hard Supporters (DDS) sa pagsigaw na pabalikin ang dating pangulo na ipinaaresto ng International Criminal Court (ICC) at kasalukuyang nasa The Hague sa Netherlands kung saan lilitisin ang kanyang kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y extra-judicial killings (EJKs) sa kanyang ‘war on drugs’ noong mayor pa ito sa Davao at noong naging presidente na.

Lumabas ang galit ng mga DDS. ‘Yung iba sinasabayan pa ng iyak. Masdan natin ang ginagawa nila sa walang patid na protesta sa Davao City at ilang lugar sa bansa.

Nanawagan sila ng tuloy-tuloy na protesta hanggang sa maibalik sa Pilipinas ang kanilang tatay Digong.

Sa mga protesta ay pinangangambahan ang kaguluhan.

Kaya nanawagan si dating PNP chief at dati ring senator Panfilo “Ping” Lacson sa magkabilang panig – mga pro-Duterte at mga kontra rito, na manatiling mahinahon at huwag gumawa ng mga kaguluhan sa kanilang mga protesta na makasasakit sa iba.

“Huwag na sanang daanin sa dahas. Mag-express na lang tayo, hindi naman nakakasakit sa katawan ang pananalita na masasakit. Of course may boundaries din ‘yan.

Pero sana huwag magkasakitan sa pisikal, huwag umabot sa violence, huwag magkakaroon ng paglabag sa batas at pag-commit ng criminal offenses. Huwag na sanang umabot sa ganoon,” ayon kay Lacson, isa sa administration-backed 12-member Senate slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa panayam ng NET25.

Aniya, dapat maging mapayapa ang mga nagpoprotesta.

“Ang nakasalalay na maximum tolerance, sa freedom of expression and assembly. Pero kung may paglabag nagkaroon ng kaguluhan at may batas nang naba-violate in the course of expressing kanilang mga sentimyento, may hangganan ang maximum tolerance. Papangalagaan din ng mga security forces ang mga mapeperwisyo na kababayan din natin o kung di man, ang estado mismo. So balansyado pero ang talagang prevailing na standard procedure is exercise maximum tolerance,” dagdag niya.

Kasama ni Lacson sa ‘Alyansa’ sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abigail Binay, Senator Ramon Bong Revilla Jr., Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, dating senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente Sotto III, Senator Francis Tolentino, ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar.

Tumpak si Lacson. Ang mapayapang protesta ay matuwid na paraan upang maihayag ang saloobin.

23

Related posts

Leave a Comment