PATAY ang dalawang terorista sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Sultan Kudarat.
Ayon kay Brigadier General Romulo Quemado II, Commander ng 1st Marine Brigade, napatay si Norsaidie Samo Tato, miyembro ng Tato Group – isang kilalang armadong grupo na sangkot sa mga gawaing kriminal sa lugar – sa engkwentro dakong alas-5:00 ng umaga noong Abril 18, 2025 sa Barangay Meti, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nasamsam sa pinangyarihan ng engkwentro ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitan kabilang ang isang shotgun, isang Springfield Armory caliber .45 pistol, at isang caliber .22 pistol na may scope.
Kasama rin sa mga nakuha ang mga magasin at bala, isang granada, limang handheld radios, pati na rin ang dalawang passport at dalawang identification cards.
Samantala, pasado alas-5:00 ng hapon sa parehong araw, isa pang engkwentro ang nangyari sa Purok Patyog, Barangay Banali, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Isang miyembro ng communist terrorist group ang napatay matapos makasagupa ang mga tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion, sa pamumuno ni Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas.
Ayon sa ulat, nagsumbong ang mga lokal na residente hinggil sa presensya ng armadong grupo na nangingikil sa mga magsasaka, negosyante, at maging sa mga kandidatong politiko.
Mabilis na nagresponde ang operating troops ng 7IB na naging sanhi ng engkwentro at pagkamatay ng isang CTG member kasabay ang pagrekober ng isang M16 rifle.
(JESSE KABEL RUIZ)
