NASABAT ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Station 3, ang mahigit P1 milyong halaga ng umano’y shabu makaraang madakip ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga at dalawang kasabwat sa ikinasang drug buy-bust operation sa San Lazaro Street malapit sa Felix Huertas St., Sta, Cruz, Manila noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang nadakip na suspek na target sa operasyon na si alyas “Negro”, 37-anyos. Arestado rin ang umano’y mga kasabwat nito na sina alyas “Bolong”, 40, at alyas “Reymond”, 49-anyos.
Ayon sa ulat ni Police Captain Mark Joseph Carpio, hepe ng SDEU, bandang alas-10:30 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 250 gramo na hinihinalang shabu na tinatayang P1,700,000 ang street value.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs of 2002).
(RENE CRISOSTOMO)
