TAGAYTAY CITY – Mahigit P200,000 halaga ng cash ang tinangay ng isang kawatan makaraang pasukin ang restaurant na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad sa lungsod noong Sabado ng madaling araw.
Inilarawan ang suspek base sa footage ng CCTV na isang lalaking nakasuot ng kulay cream na jacket na may hood, puting short, itim na medyas at naka-hand gloves.
Base sa CCTV footages, pumasok ang suspek bandang alas-2:01 ng madaling araw sa likurang bahagi ng pintuan ng Tito Bees sa Brgy. Kaybagal South, Tagaytay City sa pamamagitan ng pagsira ng door knob at nang nakapasok sa dining area ay kinuha ang tip box na may lamang P20,000 saka nito binuksan ang aluminum cabinet at kinuha ang benta ng tindahan na nagkakahalaga ng P216,590.
Bago lumabas ang suspek, pinutol muna nito ang kable ng CCTV sa labas saka tuluyang tumakas dala ang kabuuang P236,690 cash.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
