BINATA MALUBHA SA BUGBOG NG TIYUHING KANO

INOOBSERBAHAN sa pinagdalhang ospital ang isang 25-anyos na binata makaraang bugbugin umano ng tiyuhing American national na nanunuluyan sa isang hotel sa San Marcelino Street Ermita, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Nasa malubhang kalagayan sa Manila Medical Center ang biktimang si Jade Gaduan, jobless, residente ng Pasig City.

Samantala, nahaharap sa kasong serious physical injuries ang suspek na kinilalang si Derrick Thomas Steward, 38, isang US citizen, negosyante.

Base sa ulat nina Police Staff Sergeant El-Ar Malonzo at Police Staff Sergeant Bernard Miño Jr., nakatalaga sa Lawton Police Community Precinct, sakop ng Ermita Police Station 5 ng Manila Police District, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob ng isang hotel sa naturang lugar.

Nabatid mula kay Mark De Guzman, 27, roving security guard ng hotel, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima

Napag-alaman sa report, ibig umanong umuwi ng biktima sa Pasig subalit mariing tumanggi ng suspek dahil wala umanong kasama ang dayuhan sa hotel.

Nagpumilit umano ang biktima na umalis ngunit nagalit ang suspek naging dahilan upang siya ay bugbugin.

Ang suspek ay itinurn-over na sa MPD-General Assignment Investigation Section.

(RENE CRISOSTOMO)

69

Related posts

Leave a Comment