HINDI magiging madali kay Tacloban CITY representative Martin Romualdez na makuha muli ang Speakership sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil magkakaroon umano ito ng kalaban sa nasabing posisyon.
Sa kondisyong huwag pangalanan kapalit ang impormasyong ito, sinabi ng isang mapagkakatiwalaang impormante sa Kamara de Representante na posibleng lalabanan ni Bacolod City congressman Albee Benitez si Romualdez sa pagiging Speaker of the House.
“Isa siya (Benitez) sa matunog na tumakbong Speaker sa 20th Congress,” pahayag ng impormante.
Si Romualdez ang kasalukuyang lider ng 19th Congress na ang termino ay nakatakdang magtapos sa Hunyo 30, 2025 at kailangang maghalal ng mamumuno sa Mababang Kapulungan para sa ika-20 Kongreso na bagama’t magsisimula sa nabanggit na petsa ay sa Hulyo 28 pa pormal na magtatrabaho kasabay ng ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Subalit kung ang Lakas-Christian Muslim Democrat ang tatanungin, sementado na umano ang ikalawang speakership ni Romualdez matapos magpahayag ng suporta ang 240 Congressmen na nahalal sa katatapos lang na midterm election.
“As of Saturday afternoon, no less than 240 members have already signed the manifesto of support—and that number keeps climbing. This is not just about party politics. It’s about unity, output, and trust in the Speaker’s steady hand and principled leadership,” pahayag ni Quezon Rep. David Suarez, treasurer ng Lakas-CMD.
Base sa report ng nasabing partido, 105 ang Lakas-CMD Congressmen ang nanalo noong May 12, 2025 election at dahil sa alyansa sa ibang partido ay umaabot sa 240 congressmen ang nagpahayag umano sa speakership bid ni Romualdez.
Karamihan sa mga ito ay mula sa National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI).
“Siya ang pinaka-matibay na poste ni Pangulong Marcos sa Kongreso—matatag, mahinahon at may paninindigan,” ayon pa kay Suarez patungkol kay Romualdez.
(BERNARD TAGUINOD)
