‘KASABWAT’ NI HARRY ROQUE AT CASSANDRA ONG HULI NG CIDG

NADAKIP sa inilunsad na manhunt operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y kapwa akusado nina dating presidential spokesman Atty. Harry Roque at Cassandra “Cassy” Ong sa kasong human trafficking sa Pampanga.

Ayon kay PNP-CIDG chief, Maj. General Nicolas Torre, nasakote sa ikinasang law enforcement operation ng CIDG Regional Field Unit 3 – Special Operations Team, katuwang ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit. ang isa sa mga kapwa akusado nina Roque at Ong na kinilala muna sa alyas “Marlon”, sa Brgy. Tabun, Mabalacat City, Pampanga.

Si Marlon ay isa sa 49 na kapwa akusado ni Roque dahil sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) dahil sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa Porac, Pampanga.

Si Marlon umano ang operations officer ng security agency na aktibong nag-ooperate noong nagaganap ang trafficking sa Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang Philippine offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac.

Bukod sa kinahaharap na kaso ay may nakabinbin ding warrant of arrest si Marlon para sa 10 bilang ng qualified trafficking in persons mula sa Regional Trial Court Branch 118 sa Angeles City. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang kaso.

Ayon kay CIDG chief, Maj. Gen. Torre III, pagpapatunay lamang ito na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga sangkot sa nadiskubreng illegal POGO operation sa Porac at walang humpay nilang pagsisikap na tugisin at ipakulong ang mga wanted na sangkot sa malulubhang krimen, para sa hustisya ng mga biktima.

Bukod dito, inihayag din ni Torre na tuloy-tuloy na kumikilos ang kanyang mga tauhan para matunton ang natitirang 50 co-accused kaya hinikayat ng opisyal ang mga ito na sumuko na dahil tuloy-tuloy aniya ang pagtugis ng kanilang Tracker Teams.

Si Roque at iba pa ay may nakabinbing warrant of arrest kaugnay ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng Lucky South 99 POGO hub. Inisyu rin ang mga warrant ng parehong korte sa Angeles City.

Mariing itinanggi ni Roque ang akusasyon, at iginiit na hindi siya naging legal counsel ng anomang ilegal na POGO, kabilang ang Lucky South 99. Aniya, sinamahan lamang niya si Ong sa isang pagpupulong dahil inakala niyang biktima ito ng estafa.

Sa kasalukuyan, humihingi si Roque ng asylum sa Netherlands.

(JESSE KABEL RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment