39 FOREIGNERS NA HULI NG BI, PEPERAHIN NGAYONG LUNES?

BISTADOR ni RUDY SIM

SA bisa ng Mission Order number 2025-144 at Implementation of Inspection ay nagkasa noong nakaraang Huwebes ang mga tauhan ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI) ng operasyon upang arestuhin ang ilang mga dayuhan na sina LYU QINGLING (DOB: FEB 22, 1984), LI SHAHSA (DOB: MAY 27, 1987), at XIAO WEI (DOB: JAN 24, 1973), na pawang illegal foreign nationals na natagpuang nagtatrabaho sa DITO Telecommunity Corporation sa Udenna Tower, BGC, Taguig City.

Target ng operasyon ng BI ang tatlong dayuhan dahil sa paglabag sa immigration laws, sa pangunguna ng kanilang team leader na si Intelligence Agent Maristela Gandamra, at ng iba pang Muslim na mga tauhan ng BI, sa koordinasyon na rin sa PNP-SPD, ngunit sa hindi inaasahan ay napuno ang lambat ng 39 foreign nationals na mga walang kaukulang legal na visa at working permit, na siyang naging dahilan upang maka-jackpot ang mga operatiba sa kanilang operasyon.

Sa araw rin na iyon ay dinala sa BI main office sa Intramuros, Manila ang 39 dayuhan upang sampahan ng nararapat na mga kaso upang makulong sa detention center sa Bicutan ang mga ito at harapin ang deportasyon.

Ano kaya ang nangyari? Bakit sa kabila ng commitment order na dapat sana ay dalhin na ang 39 illegal aliens sa Bicutan ay pinigil ‘di umano ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagdala sa kanila sa kulungan at naging VIP pa ang mga nahuli, at mismong sa malamig na conference room sa main office sila tumambay at natulog upang hintayin na agad silang mapalaya ngayon araw ng Lunes, dahil ‘di umano ay hindi umabot sa oras para mapirmahan ang bail order o piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan. Alam kaya ito ng chief ng Intelligence na si Jun Mahanan? Imbes na dalhin sa kulungan ay ginawang tagapagbantay ng mga ito ang agents ng BI habang hinihintay ang araw ng Lunes… Hmm… Sino kaya ang nagkapera?

Tila sampal sa mga tauhan ng Intelligence at sa lahat ng mga empleyado ng BI, ang ginawang ito ni Kume. Bakit binigyan ng special treatment ang nahuling mga dayuhan? Mayroon kayang malaking tao na gumapang sa main office o may malaking halaga na kapalit?

Bakit sa kabila ng kaliwa’t kanang katiwalian ngayon sa pamunuan ni Kume Viado ay tila manhid itong si DOJ Secretary Boying Remulla para pansinin ang kapalpakan ng kanyang bata na parang isang bulldog na laging nasa kanyang likuran?

May nagkapera kaya ng malaking halaga upang gawin agad ng Legal Division ang bail order? Sino kaya ang malakas na lawyer ng 39 dayuhan at kinabukasan ay napagawa agad ito ng papel? Oh, HOLY night…

Walang ipinagkaiba itong insidenteng ito sa ating expose noong mga nakaraan na kahit wala pang petition for bail ang naisampa at hindi pa bayad ang legal na resibo, ay mas naunang nagawa ang release order ng nahuling foreign nationals noon sa Bagac, Bataan.

Bakit sa kanila ng panawagan ni PBBM na mag-resign ang mga head of office ng mga ahensya ng pamahalaan, ay nananatiling matigas ang black heads ni Kume sa kanyang puwesto, na hindi siya mapapalitan kahit na isinusuka na siya ng karamihan ng mga empleyado ng BI.

Ano kaya ang mangyayari ngayong Lunes, pipirmahan kaya ni Kume ang bail order at bahala na kung anong mangyari?

Tanging ang matitinong mga tauhan ng BI ang hindi masikmura ang lantarang katiwalian sa ahensya, na nagtitiis sa maliit na suweldo ngunit ang ilang opisyales naman ay umuulan ng daan-daang milyones ang kanilang tanggapan… Nakararating kaya ito kina PBBM at Executive Secretary Lucas Bersamin o may humaharang upang hindi malaman ng Pangulo ang bulok na ginagawa ng ilang public officials.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

169

Related posts

Leave a Comment