TARGET ni KA REX CAYANONG
SA lalawigan ng Laguna, isang makasaysayang pahina ang isinulat kamakailan—ang pagkapanalo ni Sol Aragones bilang bagong gobernadora. Isang tagumpay na hindi lamang bunga ng kampanya, kundi ng mahabang panahong paglilingkod, pagkalinga, at katapatan sa bayan.
Mula sa pagiging isang batikang mamamahayag, hanggang sa mahabang panahon ng tapat na serbisyo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Laguna, ipinamalas ni Gov. Aragones ang uri ng pamumuno na may puso at malasakit.
Ngayo’y bilang kauna-unahang babaeng nahalal sa posisyong ito sa kasalukuyang panahon, higit pa niyang pinatutunayan na ang pamumuno ay hindi nakasalalay sa lakas ng boses, kundi sa linaw ng layunin at tibay ng paninindigan.
Ang tagumpay ni Aragones ay tagumpay ng bawat Lagunense na matagal nang naghahangad ng isang gobyernong tunay na lumalapit sa tao—nakikinig, kumikilos, at nagbibigay-halaga.
Kaya sa bawat proyektong naisakatuparan niya noon bilang kongresista—mula sa mga programang pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, at kalikasan—naitanim ang binhi ng tiwala na ngayo’y nagbunga sa kanyang pagkahalal bilang gobernador.
Hindi lamang siya nanalo sa balota, siya ay nagwagi sa puso ng mamamayan.
Samantala, sa puso ng CALABARZON, nakatayo ang lalawigan ng Quezon—isang lupang mayaman sa likas na yaman, kasaysayan, at kultura. Ngunit higit sa likas nitong ganda, ang tunay na yaman ng Quezon sa kasalukuyan ay matatagpuan sa uri ng pamumuno ng kanyang ina ng lalawigan—si Gov. Helen Tan.
Hindi na bago sa paglilingkod si Gov. Tan. Mula sa pagiging isang doktor, hanggang sa pag-upo sa Kongreso, dala-dala niya ang malasakit sa kapwa, lalo na sa mga nasa laylayan.
Ipinamamalas niya na ang puso ng isang ina—maunawain, matatag, at mapagkalinga na higit na mahalaga sa pamumuno.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, hindi basta-basta ang pagbabago. Ang kanyang tuwirang pagtutok sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan ay nagsilbing gulugod ng kanyang pamahalaan.
Sa mga programang tulad ng libreng serbisyong medikal, pagpapalakas ng mga ospital, tulong sa mga magsasaka, at pagpapaaral sa mga kabataan, pinatunayan niyang posible ang maayos at makataong pamahalaan sa gitna ng maraming hamon.
Ito ang dahilan kaya muli siyang nahalal sa puwesto noong May 12,2025 polls.
Higit sa mga numero at proyekto, ang tunay na sukatan ng kanyang tagumpay ay ang tiwala ng mamamayan—isang tiwalang buo, matibay, at patuloy na lumalalim.
