BISTADOR ni RUDY SIM
NABABAHALA ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa kaliwa’t kanang korupsyon sa ahensya sa pamunuan ng kasalukuyang commissioner na si Atty. Joel Anthony Viado, kaya nagpaabot na ng liham kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. dahil sa maaaring makaapekto ito sa imahe ng administrasyon.
Tila walang takot umano itong si Viado na matapos ipag-utos ni PBBM ang pagpapa-deport sa lahat ng Chinese nationals na sangkot sa POGO, dahil ilan umano sa mga ito ay kanyang binigyan ng pabor upang makapagpiyansa kagaya na lamang umano ng tatlo at marami pang sangkot sa talamak na illegal POGO, na mga Chinese na nahuli ng intelligence division ngunit ang mga ito ay pinakawalan ni Viado.
Ang talamak na korupsyon sa BI ay kailangan nang wakasan at hindi dapat balewalain ng Pangulo lalo’t ang kalihim ng DOJ na si Boying Remulla ay tahimik at walang pakialam sa ginagawang kapalpakan ng kanyang bata na si Viado, na simula pa lamang nang ito ay maupo sa puwesto ay mas pinaboran ang mga tiwali at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapayaman gamit ang kanilang puwesto.
Ilang buwan na ang nakararaan nang ating ibinisto ang ginawang sadyang pagpapatakas ng mga tauhan ni Viado sa isang fugitive na South Korean national nang ito ay nagpunta sa court hearing sa QC Hall of Justice, na sinabing nakatakas nang ito ay nagpunta sa CR, ngunit sa exclusive CCTV video na ating ipinost sa aking social media account, ay makikitang sadyang pinatakas ito nang dalhin ang pugante sa Pegasus spa sa QC.
Agad na naghugas ng kamay si Viado sa isyu na kahit sa araw ng Linggo ay tigas mukha itong humarap at nagpatawag ng presscon sa BI main office, at sinabing sila ang nakahuli sa fugitive kahit ang ISAFP ang dapat may kredito. Sa kabilang banda ay bakit tanging ang deputy warden lamang ang sinibak ni Viado at hindi kasama ang mismong warden, dahil sa command responsibility?
Ang pinagkakakitaan ng mga opisyales ng warden facility sa Bicutan, kagaya na lamang ng Ice Room na pinarerentahan sa mga bigtime inmates, ay hindi pa rin mapatigil ni Viado.
Kung hindi natin ibinisto ang planong pagpiyansa ni Viado sa 39 foreign nationals na nahuli sa Taguig noong nakaraang linggo, ay malamang na ito ay pinera na ng tiwaling mga opisyales. Marami pa sa mga nahuli ng mga ahente ng BI ang nabalewala ang kanilang pagod dahil imbes na i-deport ay pinakawalan ang mga ito. Siyempre, sa panahon ba ngayon ay mayroon pang libre? Bakit kaya ang tiwalang ipinagkaloob ni PBBM ay sinasamantala naman ng ilan para magpayaman?
Sa tila walang kakayahan ni Viado na magpatakbo ng ahensya ay maraming matitinong empleyado rito ang nagtitiis na mapagkasya ang kanilang maliit na suweldo dahil sa bagsak na koleksyon ng ahensya at nabawasan pa ng 20% ang augmentation pay ng mga empleyado.
Patunay rito ang pagkakaaresto sa isang babaeng empleyado ng BI sa airport, na balak sanang palusutin ang isang Pinay na nagbayad ng P110K para lamang hindi ito ma-offload, kaya’t mayroon pa ring mga tauhan ng ahensya ang nais na mawala ang mga bulok. Maging ang talamak na pagpapalusot ng terminal 1 sa mga overstaying na dayuhan hindi na pinagbabayad ng penalties, ay nabisto.
Ang karaingan ng mga empleyado ay sana’y mapansin ng Pangulo at hindi maharang ng mga opisyales ng DOJ, na pinaniniwalaang nakikinabang sa talamak na katiwalian ngayon sa BI. Sana’y silipin din ng Pangulo kung bakit hindi mapirmahan ni Viado ang deportation order kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na napag-alaman nating napatunayan umanong fake Filipino. May plano kaya ang kasalukuyang commissioner para perahin ulit ito? Grabe ka na Bulldog, sa katigasan ng iyong blackheads! KUPAL KA, LAYAS NA SA BI!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
