Nagtalo sa bayad sa gate pass PANADERO BINARIL NG SEKYU, PATAY

LAGUNA – Patay ang isang 26-anyos na panadero matapos barilin ng isang security guard ng subdivision sa Brgy. Malitlit, Sta. Rosa City nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng Sta. Rosa City Police ang biktimang si “Aldrin”, isang master baker.

Ayon sa report, dakong alas-4:25 ng umaga, nagmamaneho ng kanyang tricycle pauwi ang biktima matapos ihatid ang mga kasamahan, nang asintahin ito ng 30-anyos na suspek na si “Ronald”, isang security guard sa San Lorenzo Subdivision, na noon ay naghihintay sa kanto.

Tinamaan ang biktima ng bala sa likod ng ulo na agad nitong ikinamatay.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa national highway habang ang biktima ay isinugod sa Sta. Rosa Community Hospital ng nagrespondeng barangay officials at rescue team ngunit hindi umabot nang buhay.

Sinasabing madalas magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek tuwing dumaraan ang una sa subdivision dahil sa isyu ng bayad sa gate pass.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong pagpaslang.

(NILOU DEL CARMEN)

8

Related posts

Leave a Comment