BISTADOR ni RUDY SIM
HABANG mainit ang sigalot ng dalawang matataas na opisyales ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa isyu ng katiwalian, ay nananatiling matibay pa rin ang pagmumukha ni Commissioner Joel Anthony Viado at nakukuha pa nitong ngumiti sa harap ng media habang nakakubli sa kanyang likuran ang iba’t ibang alegasyon ng katiwalian sa kanyang pamumuno.
Matatandaang isang open white paper ang kumalat sa ahensya na nakarating kay PBBM, bagama’t walang pirma ang naturang reklamo ng katiwalian kay Viado ng ilang concerned employees ng ahensya, ay mariin nilang ipinanawagan na bigyan pansin ng Pangulo ang nangyayaring pagmamalabis umano sa kapangyarihan ni Viado.
Hindi man natin alam kung sino ang apektadong mga kawani ng BI ang umaaray na sa nakikita nilang katiwalian sa ahensya ngunit ilang beses na rin nating isiniwalat ang tila power tripping ni Viado at kahina-hinalang aksyon nito sa mabilisang pagbibigay ng bail o piyansa sa nahuhuling mga dayuhan na sangkot sa POGO at ang iba pa minsan ay tila hulidap na ang ginagawa umano ng mga tauhan ni BI Intelligence chief Fortunato “Jun” Manahan.
Kagaya na lamang ng mahigit 50 mga dayuhan na hinuli ng mga tauhan ni Manahan kamakailan sa Newport sa Pasay City, na ayon sa ating impormante mula sa isang travel agency, ay upang palabasin umanong may hinuli itong team ng mga bataan ni Manahan sa pangunguna ng isang alias “Matel” at isang “Bato”, ay dinala nila sa BI headquarters ang anim na dayuhan ngunit hindi rin nagtagal ay isang alias “Charlie” naman ang tumawag para pakawalan ito… hmmm… Naku, Mr. Manahan, hipuin mo rin ang bumbunan mo at baka nabukulan ka na ng mga tao mo habang ikaw naman ay nagpapasarap sa iyong Japan trip.
Sa isang praise release na ipinamudmod ng BI, siyempre hindi mawawala rito ang envelope ‘di ba, Madam Dana? Nakasaad sa papogi ni Viado na sinusuportahan (kuno) umano nito ang gagawing Senate investigation sa pangunguna ni Senator Sherwin Gatchalian, kaugnay sa katiwalian sa ahensya. Naku, mabuti naman, Viado, at suportado mo pero hindi kaya mag-back fire ito sa ‘yo? Sa sinasabing concerned BI employees na nagrereklamo sa ‘yo, huwag mong maliitin kung bakit ayaw nilang lumantad dahil alam nilang ikaw ay makapangyarihan ngayon at anomang oras ay maaari mo silang balikan o ipatapon sa malayong lugar.
Upang magmalinis itong si Viado para mapagtakpan ang issues patungkol sa kanya ay tila nagturo ito, na isang mataas na opisyal daw ang itinutulak na mapakawalan sa detention center ang kapatid ng dating economic adviser ni FPRRD na si Michael Yang, na si Tony Yang.
Hindi man natin personal na kilala itong tinutukoy ni Viado na si BI Board of Special Inquiry chairman, Atty. Gilberto Repizo, sa aking pagkakaalam itong si Repizo ang tagapagtanggol ng mga empleyado at nagsiwalat kamakailan sa serye ng mga katiwalian na nangyayari sa pamumuno ni Viado. Ayon sa ating pagtatanong, itong si Tony Yang ay mayroon umanong karamdaman kaya hiniling sa BI ng doktor na pansamantalang mapalaya upang maipagamot. Wala tayong nakikitang mali sa isyung ito dahil karapatan ng lahat kahit dayuhan man, na mabigyan ng tamang medikal na atensyon.
Bakit si Yang ba ay isang terorista o banta sa seguridad ng ating bansa para pagkaitan ito ng kanyang karapatan? Bakit hindi mo pa-imbestigahan ang iyong sarili, Mr. Viado, sa mga Chinese POGO workers na pinakawalan mo? Bakit hindi mo paimbestigahan ang Quota Visa for sale na ikaw lamang ang tanging may kapangyarihan n’yan. Gaano ba katotoo na 7 milyong piso ang halaga ng Quota Visa para sa isang Chinese national? Bakit hindi ito buksan ng Senado? Ang quota Visa ay wala nang hearing at hindi natin alam kung POGO bosses din ba ang ilan sa nakapag-avail nito. Tandaan mo, Viado, kung ikaw ay naghahanap ng tiwali sa iyong ahensya, unahin mong ituro ng iyong daliri ang malaking butas ng iyong ilong ranger.
Abangan pa ang ating pasabog sa ilang malalaking issues ngayon sa BI na nasasamantala ang tiwala ni PBBM, na ibinigay sa kasalukuyang mga nasa posisyon.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
