PUNA ni JOEL O. AMONGO
PURSIGIDO talaga ang ilang mga politiko na pabagsakin ang mga Duterte para hindi makaporma ang sinoman sa kanila pagsapit ng 2028 Presidential Election.
Matatandaang kamakailan, inakusahan ni Ka Eric Celis na ang administrasyon ni PBBM ay nakipagsabwatan sa makakaliwang grupo para pabagsakin ang mga Duterte.
Maging si Senator Imee Marcos ay kumbinsido sa ginagawang pag-atake ng administrasyon ng kanyang kapatid (PBBM) sa mga Duterte, hanggang sa humantong sa pagpapaaresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Subalit kamakailan ay nagsalita siya (Imee) na ang gobyerno ngayon ay hindi Marcos kundi Romualdez-Araneta na. Ang tinutukoy ni Senator Imee ay sina Speaker Martin Romualdez at Liza Araneta-Marcos na ang nagpapatakbo ng gobyerno ngayon.
Tinukoy naman ni Ka Eric sina Cong. France Castro, Raoul Manuel, Arlene Brosas na mga kinatawan ng makakaliwang grupo na nakipagsabwatan umano sa gobyerno sa pag-atake sa mga Duterte.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino na noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte ay matindi ang ginawa nitong kampanya laban sa mga rebelde, kaya hindi na nakapagtataka na ngayon ay nakipagsabwatan na sila sa BBM administration para puntiryahin ang mga Duterte. Resbak ika nga!
Inakusahan naman ni Davao City Rep. Paolo Duterte na pinopondohan ng “Tambangag” ang mga grupong kontra sa pansamantalang paglaya ng kanyang ama na si dating Pangulong Duterte.
Ginawa ni Pulong ang pahayag matapos umanong makarating sa kanila na may grupo na nagbabala sa mga bansa na tatanggap sa dating pangulo kapag inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang apelang “interim realease”.
“May I remind 1Sambayan that numerous countries have in fact lauded FPRRD in his crusade to combat crime in our country and I would not be surprised if many will express interest in receiving FPRRD in their respective country,” ayon pa sa mambabatas.
Kinuwestyon din nito na hindi nagsalita ang grupo noong kinidnap ng gobyerno ng Pilipinas ang kanyang ama at maging hinggil sa mga drug lord at New People’s Army (NPA) na naghasik aniya ng terorismo sa bansa.
Iginiit nito na hindi bulag ang international community sa mga nangyayari sa Pilipinas at alam ng mga ito na walang crime against humanity sa lehitimong aksyon ng dating Pangulo para isalba ang bansa sa ilegal na droga at kriminalidad.
“Like any other member of the makabayan bloc, 1Sambayan is a group similarly funded by TAMBANGAG using taxpayers money to fuel his twisted dream that he can still be president in 2028,” alegasyon ng mambabatas.
Hindi na binanggit ni Rep. Duterte ang pangalan kung sino ang nasa likod ng “Tambangag” subalit matatandaan na unang tinawag ni Vice President Sara Duterte si House Speaker Martin Romualdez bilang “Tambaloslos” habang “bangag” naman ang bansag ng dating Pangulo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ngayon hindi pa nakuntento ang ilang mga kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanilang ginawang pag-impeach kay VP Sara, may inihahanda pa silang plunder case laban pangalawang pangulo.
oOo
Para suhestiyon at reaksyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.
