UMAAPELA si Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) convener at re-elected Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones sa pamahalaan na dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon para makamit ang hangad o programa ng gobyerno hinggil sa usapin ng food security.
Sinabi ni Briones na kung dati ay pangalawa ang DA sa binibigyan ng pondo, ngayon nasa pang-walo na lamang ito.
Aniya, kung nais ng gobyerno na palakasin ang industriya sa sektor ng agrikultura, dapat malaking budget ang ibinibigay nito dahil sakaling mangyari ito, siguradong maipatutupad ang mga hakbang sa food security.
Giit pa ni Briones, dapat nasa P500 billion ang pondo ng DA at hindi P237.4 billion upang maging sapat ito para matulungan ang lahat ng mga magsasaka na palaguin pa ang kanilang ani o produkto.
Pahayag pa ni Cong. Briones na sa usapin ng proposed national budget para sa 2026 kung saan inaasahan na 10% lamang ang madagdag sa pondo ng DA.
Hinikayat ni Briones ang pamahalaan na gawin sanang 30% ang idagdag na pondo sa DA para pagsapit ng tatlong taon madodoble na ito.
Samantala, patuloy pa rin sumisirit ang presyo ng karne ng baboy sa merkado partikular na sa Metro Manila, dahil na rin sa hindi pa maagapan ang sakit na African Swine Fever (ASF) sa bansa at hanggang ngayon hindi pa rin inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna laban sa ASF, gayun sinasabi at pinatototohanan naman ng ilang malalaking magbababoy na epektibo ang E-vac na kahit subuan ng dugo ng mga baboy na mayroon ASF hindi na tatalaban ang mga binigyn ng bakuna.
Hinikayat naman ni Rep. Briones ang Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Council, sa pangunguna ni Secretary Frederick Go, na imbestigahan ang pinagmulan ng mga smuggled na pulang sibuyas. Nag-ugat ang panawagan nang iulat ng Department of Agriculture ang smuggling sa isinagawang market inspection sa Paco public market ng Maynila.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na hindi pinahintulutan ng DA ang anumang sanitary at phytosanitary clearance para sa pag-import ng pulang sibuyas.
“Maraming bagay ang dapat gawin sa sektor ng agrikultura, kabilang ang irigasyon sa ating mga palayan, post-harvest at rice harvesting facilities, state-of-the-art rice milling, at iba pa. Dapat itong suportahan ng gobyerno. Para sa mga baka at manok, bababa ang presyo nito kung sapat ang supply,” wika ni Briones..
“Buong kababaang-loob na humihiling kami sa ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aprubahan ang kahilingang ito. Dahil paano tayo makakapagbigay ng pagkain sa hapag ng Pilipino kung kulang ang budget?,” wika ni Briones.
