2 KASO NG MPOX NAITALA SA BULACAN

BULACAN – Dalawang kaso ng Mpox ang kumpirmadong naitala sa Lungsod ng San Jose Del Monte, na sa kasalukuyan ay fully recovered na, ayon sa City Health Office.

Ito ang kinumpirma ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kung saan ang nabanggit na mga kaso ay naitalang nakakuha ng Clade II strain o ang hindi gaanong malubhang uri ng nasabing virus.

Ayon sa health authorities, walang kaugnayan sa isa’t isa ang dalawang kaso at ang lahat ng nakilalang close contacts ay nanatiling walang sintomas at nakatapos na ng isolation protocols bilang pag-iingat.

Samantala, pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Provincial Health Office – Public Health, ang mga hakbang kontra Monkeypox (Mpox) sa pamamagitan ng mabilis at maayos na mga interbensiyon bago pa man mapaulat kung mayroong mga kumpirmadong kaso.

Naglabas si Gob. Daniel R. Fernando ng direktiba sa lahat ng alkalde ng mga lungsod at bayan, gayundin sa mga kapitan ng mga barangay, na ihanda ang mga Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs), bantayan ang kalinisan sa mga pribadong establisyemento, at magsagawa ng mga kampanya sa pagkalat ng tamang impormasyon upang maiwasan ang mga maling balita.

Pinaalalahanan din ang mga ospital na tiyakin ang kanilang kakayahan sa pagtanggap ng maraming pasyente, kabilang ang pagkakaroon ng isolation rooms at karampatang bilang ng kama alinsunod sa pambansang panuntunan.

Inatasan din ang lahat ng tanggapan ng kalusugan sa lalawigan na agad iulat ang mga pinaghihinalaang kaso gamit ang Event-based Surveillance and Response Information System.

Nagkaroon din ng mga nakatalagang hotline katuwang ang mga lokal na health office upang mapabilis ang pagre-refer at paglilipat ng mga pasyente sa angkop na pasilidad para sa isolation o gamutan.

Kaugnay nito, pinabulaanan ng Pamahalaang Panlalawigan ang kumakalat na maling balita na magkakaroon ng lockdown sa lalawigan at idiniin na walang ipatutupad na ganitong hakbang sa lalawigan.

Tiniyak din ni Fernando sa mga Bulakenyo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa iba’t ibang bayan at lungsod ng probinsiya.

“Wala po tayong dapat ikabahala, ginagawa po ng ating Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng mga aksiyon na kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang mga Bulakenyo mula sa banta ng Mpox. Kaya naman doble ingat po ang ating hiling sa bawat isa upang tayo ay makaiwas mula sa sakit at hindi maging posibleng paraan ng pagkalat nito,” aniya.

Ayon sa Department of Health, ang mga sintomas ng Mpox ay kinabibilangan ng pantal sa balat o sugat sa bibig, lagnat, pamamaga ng kulani, pananakit ng lalamunan, kasu-kasuan at katawan, pananakit ng ulo, at matinding pagkapagod.

Bilang pag-iingat, pinapayuhan ang publiko na iwasan ang direktang skin-to-skin contact, panatilihin ang malinis na katawan, regular na mag-disinfect, palagiang maghugas ng kamay, at agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center kung may nararamdamang sintomas.

(ELOISA SILVERIO)

14

Related posts

Leave a Comment