TARGET ni KA REX CAYANONG
SA gitna ng mga tradisyunal na mukha ng pulitika sa Senado, kapansin-pansing naiiba si Sen. Erwin Tulfo—isang lider na dala ang boses ng masa, tapang ng mamamahayag, at malasakit ng tunay na lingkod-bayan. Mula sa kanyang mga taon bilang tagapagtanggol ng naaapi sa radyo at telebisyon, dala-dala niya ngayon sa bulwagan ng Senado ang parehong prinsipyo: hindi palalampasin ang pang-aabuso, hindi papayag sa kabagalan, at hindi matitinag ng kapangyarihan.
Ramdam na agad ng taumbayan ang kanyang presensya. Hindi siya ang uri ng mambabatas na kuntento sa mga privilege speech o presensya sa committee hearing. Siya ay naroon kung nasaan ang problema—sa mga komunidad na nasalanta, sa mga pamilyang pinabayaan ng sistema, at sa mga boses na patuloy na hindi pinakikinggan ng estado.
Hindi rin biro ang mga isinusulong niyang panukalang batas. Mula sa mas mabilis na pagproseso ng tulong pinansyal, hanggang sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga senior citizen, PWD, at OFWs—ang kanyang mga adbokasiya ay konkretong sagot sa matagal nang hinaing ng ordinaryong Pilipino.
Walang bahid ng elitismo o pangangalakal ng boto ang kanyang mga aksyon. Lahat ay nakasandig sa prinsipyo: Ang gobyerno ay para sa mahihirap, hindi laban sa kanila.
Samantala, sa likod ng mabilis na pagbabago ng panahon at teknolohiya, ang liderato ni ACT-CIS Party-list Representative Edvic Yap ay nagpapakita ng isang progresibong modelo ng pagiging kongresista, makabago, at may tunay na malasakit sa kapwa. Naipamamalas niya ang isang pamumuno na hindi lang nakabase sa pangalan kundi sa pagkilos at epektibong representasyon.
Bilang kinatawan ng sektor ng marginalized, OFWs, mga manggagawa, at ordinaryong Pilipino, ginamit ni Yap ang kanyang plataporma upang mailapit ang gobyerno sa mamamayan. Isa sa mga pangunahing layunin ng kanyang tanggapan ay gawing accessible, responsive, at modernisado ang serbisyo publiko—mga bagay na madalas ipinapangako lamang ngunit bihirang isakatuparan.
Sa isang mundo na lumilipat na sa digital, nauunawaan ni Yap na ang batas ay kailangang makasabay. Kaya’t sinisikap niyang iakma ang mga polisiya sa kasalukuyang panahon—batas na hindi laos, kundi kapaki-pakinabang sa kasalukuyan at hinaharap.
