AI-POWERED SCAMS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MAYROONG kumakalat ngayon sa social media na babalang pati mga screenshot ng legitimate bank transactions, kaya nang kopyahin at magamit para makapanloko — patunay na lalo pang tumitindi ang mga scam.

Hindi na simpleng panloloko lang ang ginagawa ng masasamang loob. Laganap na nga ang cybercrimes at nagiging high-tech na rin ang mga ito. Sa mabilis na paglawak ng aplikasyon ng artificial intelligence (AI), mas pino, mas makatotohanan, at mas mahirap nang matukoy ang samu’t saring scams na araw-araw na bumibiktima sa mga ordinaryong mamamayan. Simpleng prompt lang, walang kahirap-hirap na magagaya na ang mga legitimate na transaksyon

Sa panahon ngayon, hindi na lang simpleng Photoshop ang kailangan para makagawa ng pekeng bank deposit receipt. Gamit ang AI, nakalilikha na ng hyper-realistic fake screenshots na halos imposibleng mapansin ang kaibahan sa tunay na bank confirmation. May mga scammer na ring gumagamit ng AI-powered voice cloning para gayahin ang boses ng customer service ng mga bangko sa tawag at voice messages. Pati automated chatbots na kunwari bank agents, kayang makipag-usap nang parang totoong tao para makakuha ng personal na impormasyon.

Mabilis nag-aadjust ang mga scammer kaya sana ang mga batas at proteksyon dito, mabilis din naka-aadjust. Mayroon bang mga karagdagang safeguards na maaaring maipatupad para mapapanagot ang mga scammer?

Kung ako ang tatanungin, hindi. Mayroon namang mga department ang mga bangko na nakatuon sa fraud, at may mga paraan para mag-report sa regulators o sa pamahalaan — pero kadalasan, hindi naman responsive ang mga ito o kaya naman aabot ng matagal na panahon bago sumagot. Tipong naka-move on ka na sa nangyari bago pa masagot at minsan, hindi pa masosolusyunan o mababalik ang nangyari. Ang tanging sasabihin nila, wala silang sapat na kakayahan o responsibilidad para papanagutin o hanapin ang scammer.

Charge to experience na lang ito kumbaga. Pero kailangan din nating tanggapin na hindi naman talaga natin pwedeng iasa sa iba ang proteksyon natin sa mga high-tech na panloloko.

Kaya panawagan ito sa agarang pagkilos mula sa gobyerno, financial institutions, technology companies, at maging ng bawat Pilipino. Malinaw na kailangan ng mas mahigpit na real-time verification sa bawat transaksyon. Hindi na sapat na basta ipakita ang screenshot ng bayad. Dapat may real-time system na kayang i-verify agad ng parehong partido kung pumasok na nga ang pera sa account.

At dahil advanced na mag-isip ang mga manloloko, kailangan din nating pakinabangan ang teknolohiya para labanan ang mga scam. Kung ginagamit ng mga kriminal ang AI, dapat mas advance pa ang fraud detection systems ng mga bangko. Kailangan ng predictive algorithms na kayang tukuyin ang kakaibang pattern ng mga transaksyon bago pa ito tuluyang makapanloko.

Kailangan din ng mas mabigat na parusa para sa mga scammer. Mahirap na nga silang mahuli kaya dapat high-stakes ang parusa para matakot ang mga scammer sa bigat ng kanilang pananagutan. Mayroon tayong paraan para mag-report ng mga scammer, pero kailangan pa itong pagtibayin, gawing mas accessible at mas ipalaganap pa. Kailangang may maayos na platform kung saan maaaring mag-report ang publiko at agad na makapagbigay ng babala sa buong financial system, law enforcement, at sa publiko mismo. At siyempre, importante ang pagkakaroon ng tuluy-tuloy na financial literacy at scam awareness campaign.

Paalala ang mga kumakalat na babala sa social media na hindi tayo dapat basta maniwala sa screenshots. Kailangan pa rin maging maingat sa mga link at iwasang mag-click ng mga link sa email o text na kahina-hinala. Kahit pa mukhang legitimate, marami sa mga ito ang nagagaya na rin. Minsan nga, mismong sa official channels sa email at text message ng mga kumpanya nanggagaling ang mga scam dahil nga pati sila, nabibiktima rin ng mga manloloko.

Paulit-ulit na paalala rin na huwag kailanman ibigay ang OTP, password, o account details sa kahit kanino at maging mapanuri sa mga tawag, chat, at online offers. Karaniwang ginagamit ng mga scammer ang takot o pagmamadali para hindi ka makapag-isip nang tama.

Habang lalong lumalakas ang armas ng mga scammer, dapat nating tapatan ito ng mas matatag na proteksyon at mas matatalinong mamamayan. Hindi tayo pwedeng mahuli sa laban na ito. Kailangan nating maging updated at mas vigilant dahil hindi titigil ang mga manloloko, lalo na kung hindi naman talaga sila totoong natutugis.

5

Related posts

Leave a Comment