DAHIL napatunayan na mabisang panlaban sa kriminalidad, gagawa ng batas ang Kongreso para obligahin ang lahat ng establisimyento na maglagay ng mga closed-circuit television (CCTV), hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Ayon kay Parañaque City Representative-elect Brian Yamsuan, kailangang obligahin na ang lahat ng negosyo na may 20 tauhan at hindi bababa sa P50,000 ang transaksyon araw-araw na maglagay ng CCTV sa loob at labas ng kanilang establishment.
“The private sector can play a pivotal role in further strengthening the President’s intensified anti-crime campaign. Installing CCTVs in strategic locations in and around commercial establishments will help ensure public safety as these tools have been proven to be effective in deterring, detecting and solving crimes,” ayon sa kasalukuyang kinatawan ng Bicol Saro party-list.
Sa mga nakaraang operasyon ng pambansang pulisya at maging ang ibang law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), natutunton ng mga ito ang mga suspek na gumawa ng krimen dahil sa mga CCTV.
Gayunpaman, marami pa umanong establisimyento ang wala pang CCTV lalo na sa mga lalawigan kaya kailangang gumawa ng batas ang 20th Congress.
Noong 2024, nag-isyu na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng memorandum sa local executives sa mga siyudad at bayan na obligahin ang ilang establisimyento tulad ng mga banko at malls na maglagay o magkabit ng CCTV.
Subalit hindi kasama rito ang maliliit na negosyo na sinasamantala naman ng masasamang loob dahil alam nilang hindi sila mahuhuli dahil walang video na tutunton sa kanilang pagkakakilanlan.
“Establishments are required under the bill to maintain their CCTV cameras in good working condition, and ensure such devices are turned on and recording 24 hours a day, seven days a week,” ayon sa mambabatas para makatulong sa pagresolba sa kriminalidad.
(BERNARD TAGUINOD)
