“KAHIHIYAN ang Pangulong ito na sunod-sunuran sa dikta ng mga dambuhalang korporasyon.”
Pahayag ito ni incoming Kabataan party-list Rep. Renee Co matapos madismaya dahil sa kawalang aksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Co na isang abogada, ang tunay na dahilan kung bakit mataas ang presyo ng langis sa bansa ay dahil sa oil deregulation law na ayaw galawin ni Marcos sa kabila ng lumalakas na panawagan ng mamamayan.
“Hindi na kontrol ng gobyerno at hinahayaan lang nila ang mga negosyante ng langis na taasan lagi ang presyo nito kung kailan nila gusto. Kahit ang Department of Energy na mismo ni Marcos Jr. ang umamin na walang shortage sa supply ng langis mula sa Iran o Israel dulot ng kanilang digmaan,” ani Co.
Ito ang dahilan kaya kailangang maamyendahan aniya ang nasabing batas para mabalik sa kontrol ng gobyerno ang industriya ng langis.
“He merely follows the whims of these corporations; hinarangan na nga ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa at hinayaan pa ang pagtaas ng presyo ng langis,” kaya apektado aniya ang mamamayan na dapat inuuna nitong proteksyunan imbes na ang mga kumpanya ng langis.
Noong Martes ay sinimulan ng mga kumpanya ng langis ang oil price hike at bagama’t inuutay-utay ang P5 na dagdag sa presyo ng langis ay papasanin pa rin ito ng mamamayan, hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi ng lahat ng consumers.
“The Filipino people, especially the youth. Oil price hike means all price hike: lalala ang kahirapan sa magreresultang taas-singil sa iba’t ibang produkto at serbisyo dahil sa oil price hike na ito,” ayon pa kay Co.
Unang isinabatas ang Oil Deregulation Law o Republic Act (RA) 8470 noong 1998 kung saan ipinaubaya na sa mga negosyante ng industriya ng langis ang pagpapasya kung kailan magtataas o magbabawas ng presyo.
Lalong lumobo ang presyo ng langis dahil bukod sa value added tax (VAT) na 12%, pinatawan ng excise tax ang lahat ng produktong petrolyo noong ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) noong December 2018.
“Ang kailangang gawin ni Marcos ngayon ay kagyat na ibasura ang Oil Deregulation Law at ang mga buwis sa langis tulad ng Value Added Tax (VAT) at excise tax. This is the least he can do to alleviate the plight of the people. Dahil habang lumalala ang taas-singil sa taumbayan, titindi rin ang paniningil ng taumbayan sa kanya,” babala ni Co.
(BERNARD TAGUINOD)
