(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SA gitna ng maugong na plano umanong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028 ni House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, nagpahayag ng agam-agam ang ilang eksperto sa pulitika lalo pa’t hindi lamang anila kontrobersya ang nakadikit dito kundi maging mismong kasaysayan.
Sa isang panayam, tinukoy ni political analyst at propesor Julio Teehankee ang tinatawag na “Speaker’s Curse” — sa kasaysayan ng bansa ay walang House Speaker na tumakbo bilang Pangulo ang nanalo.
“Romualdez will be running against history,” pahayag ni Teehankee. “In our political experience since the restoration of democracy, no Speaker has ever made it to Malacañang,”dagdag pa niya sa panayam sa kanya ng ANC.
Tinukoy nito ang bigong presidential bid nina House Speaker Ramon Mitra noong 1992, Jose de Venecia noong 1998 at Manny Villar noong 2010 na pawang tumakbo sa kumpletong political machinery at national prominence subalit hindi nagtagumpay.
“Romualdez has been steadily building his national profile, however, the so-called Speaker’s Curse casts a long shadow over his ambitions”ani Teehankee.
Target ni Romualdez na masungkit muli ang House Speakership sa 20th Congress bilang paghahanda sa kanyang 2028 presidential bid subalit may tatlong mambabatas ang inilulutang na seryosong kandidato rin sa posisyon.
Ang mga ito ay kinabibilangan nina Cebu Rep. Duke Frasco, na kasama ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang official trip sa Osaka, Japan kamakailan; Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng political coalition ni Marcos na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (ABP) at Bacolod City Rep. Albee Benitez.
Bukod sa posibleng matanggal bilang House Speaker, nahaharap din sa trust issue si Romualdez. Sa pinakahuling national survey, ang trust and popularity rating nito ay nasa 39 percent, pinakamababa sa kasaysayan na nakuha ng isang “sitting” House Speaker.
Ikinakabit ang mababang popularity rating ni Romualdez sa kontrobersiya sa kanyang pet programs na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Una nang binatikos nina Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong at Vice President Sara Duterte si Romualdez dahil sa paggamit sa AKAP at AICS funds para sa kanyang political advantage.
Ayon sa mga kritiko, ang ayuda programs na para sa mahihirap ay nagagamit bilang “vote-buying” tools.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2024 ay nasa 5 million ang nabigyan ng ayuda ngunit nabunyag na hindi tunay na mahihirap ang beneficiaries nito dahil may dagdag sa listahan na political allies.
Itinanggi ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na tatakbo sa 2028 election si Romualdez subalit taliwas ito sa kilos ni Romualdez, ayon kay VP Sara na mismong mga kaalyado niya sa Kamara ang nagbunyag ng paghahanda ni Romualdez sa presidential race.
Gayundin ang ibinunyag ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na ang pagsusulong ng Charter change ni Romualdez ay nakaangkla sa ambisyon nito sa 2028 bukod pa sa ginawa nitong pagbuo ng isang power bloc na Alyansa para sa Bagong Pilipinas na binubuo ng kanyang partido na Lakas-CMD at Partido Federal ng Pilipinas na political party ni Pangulong Marcos.
Sa mga lumalabas na maagang presidential survey tulad sa 2025 WR Numero survey, si Romualdez ay nakakuha ng 1.1% presidential preferences habang si VP Sara ay 29%, 19% naman si Senator Raffy Tulfo.
