KOKO: PAGPROKLAMA KAY TEODORO PAMBABASTOS SA KONSTITUSYON

KINONDENA ni outgoing Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na binabaligtad ang naunang ruling na nagdi-disqualify kay Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro bilang congressional candidate para sa District 1 ng lungsod.

Tinawag ni Pimentel ang desisyon na pambabastos sa konstitusyon at nagbabala na binubuksan nito ang tinawag niyang ‘gates of electoral hell’.

Maituturing din anya itong mapanganib na precedent sa mga susunod na kaso sa Comelec.

Tanong pa ni Pimentel na kung maaaring mabalewala ang residency requirements na minamandato ng konstitusyon sa pamamagitan ng isang resolution, ano pa ang pipigil sa iba para manipulahin ang sistema.

Maaari anya itong maging daan ng mga politiko na may self-interest at makasarili na samantalahin ang pagkakataon na ideklara ang kanilang residency saang lugar man nila mapaiiral ang kapangyarihan.

Sa naunang desisyon ng Comelec first division na inilabas noong December 11, 2024, diniskwalipika si Teodoro dahil as misrepresentation sa kanyang voter registration matapos ideklara ang kanyang address sa District 1 habang ang kanyang official records ay pawang nasa District 2.

Binanatan din ni Pimentel ang mabagal na resolusyon ng poll body sa kaso na umabot pa ng 196 days bago nakapagpalabas ng final decision.

Kasabay nito, kinumpirma ni Pimentel na plano niyang idulog sa Korte Suprema ang naging desisyon lalo’t mayroon silang limang araw upang humiling ng temporary restraining order sa Korte Suprema laban sa desisyon ng Comelec en banc.

Sinabi ni Pimentel na dapat may matutunan sa kasong ito partikular kung tamang payagan pang kumandidato sa May 2025 elections ang isang taong umalis sa distrito ng February 2024 at bumalik noong September 2024.

Hindi rin maiwasan ni Pimentel na isiping may ginawang espesyal ang Comelec at inabot anya ng anim na buwan para lutuin ang desisyon.

Mahalaga anyang maidulog sa Korte Suprema ang legal at constitutional issue sa kontrobersiya upang maipatupad ang rule of law sa bansa.

Gayunman, ipinapasa-Diyos na anya niya ang mga Comelec decision makers.

Tagumpay ng Marikeño

Itinuturing naman ni Teodoro na tagumpay ng mamamayan ng Marikina at pananaig ng demokrasya ang pasya ng Comelec pabor sa kanya.

Sinabi ni Teodoro na natanggap nila ang notice mula sa Comelec en banc kaugnay sa inihain niyang motion for reconsideration (MR) matapos iutos ng ahensya na suspendihin ang kanyang proklamasyon bilang nanalong kongresista sa unang distrito ng lungsod.

Sa 38-pahinang resolusyon, inihayag ng Comelec na “The order for the suspension of the proclamation of respondent Marcelino “Marcy” R. Teodoro issued by the Commission (En Banc) on 12 May 2025 is hereby lifted.”

“Finally, the certificate of candidacy of herein respondent Marcelino “Marcy” R. Teodoro for the Member of the House of Representatives, 1st District, Marikina City in the 12 May 2025 National and Local Elections is hereby reinstated,” dagdag pa ng nasabing resolusyon.

Ayon pa sa alkalde, ang desisyon na ito ay nagpapatunay lamang na lehitimo ang kanyang COC bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na kumakatawan sa Unang Distrito ng Marikina City.

Idinagdag pa ni Teodoro na wala aniyang nakita ang ahensya na material representation sa kanyang COC nang ilagay nito na siya ay mula sa Brgy. San Roque.

(DANG SAMSON-GARCIA/NEP CASTILLO)

52

Related posts

Leave a Comment