KASUNOD ng paglobo ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) sa bansa, pinakilos ng Civil Service Commission (CSC) ang lahat ng ahensya ng gobyerno para makontrol ang nasabing problema.
Kasabay nito, inilabas kahapon ng CSC ang panuntunan kung papaano ipatutupad ang Workplace Policy and Education Program on HIV and AIDS sa pamamagitan ng CSC Resolution No. 2500398 na pinagtibay noong Mayo 23, 2025.
Base sa direktiba ng ahensya sa CSC, lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na ang mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Local Government Units (LGUs) at State colleges and universities (SUCs), kailangang magtulung-tulong na ang mga ito para makontrol ang lumalang problema.
Inaatasan din ang mga ito na regular na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), magsumite ng kanilang report taon-taon sa PNAC (Philippine National AIDS Council).
Base sa report ng Department of Health, nakapagtala ng 57 kaso ng HIV araw-araw sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan kaya tumaas ng 550% ang nagkaroon nito dahil mula 4,400 na naitala noong 2010 ay umabot na ito sa 29, 600 noong 2024.
Sa kasalukuyan, tinatayang umaabot na sa 252,800 Filipinos na nabubuhay na may HIV na nakukuha sa pakikipagtalik at marami sa mga bagong kaso ay edad 14 hanggang 25 lamang at mga lalaki na nagkaroon ng katalik na kapwa lalaki.
(BERNARD TAGUINOD)
