SIYAM na South Korean nationals na sangkot umano sa online loan fraud scheme ang inaresto sa isinagawang joint operation sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) sa Parañaque City.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon noong Miyerkoles ng gabi hanggang noong Huwebes ng madaling araw.
Nadiskubre ang ilegal na aktibidad ng BI operatives, at ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) personnel, na agad nagpatupad ng mission order laban sa mga suspek sa isang condominium sa lungsod.
Ang siyam na South Korean nationals, may gulang na 29 hanggang 31-anyos, ay naaktuhan habang nagsasagawa ng operasyon sa umano’y scam platforms.
Natuklasan ng mga awtoridad ang mga suspek sa computer stations na may pre-written scripts na hinihinalang ginagamit sa fraudulent online lending transactions.
(RENE CRISOSTOMO)
