Daanan ng fire trucks ginawang parking ILANG OPISYAL NG MAKATI BFP SINIBAK

MALINAW na sumasalamin sa matibay na commitment ng administrasyong Marcos sa public safety ang nangyaring pagsibak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla sa ilang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lungsod ng Makati.

Sa press briefing sa Malakanyang. sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na winelcome nito ang naging hakbang ni Remulla na sibakin ang ilang opisyal ng fire station matapos masaksihan sa kanyang sorpresang pagbisita ang mga nakaparadang sasakyan ng mga opisyal na humaharang sa labasan at pasukan ng mga truck ng bumbero.

Para kay Remulla, makakasagabal ang nasabing mga nakaparadang sasakyan kapag mayroon emergency silang rerespondehan.

“Alinsunod ito sa utos ng Pangulo na pagandahin pa ang performance ng lahat ng opisina ng gobyerno sa buong bansa,” ang sinabi ni Castro sabay sabing “Bawal ang patulog-tulog sa serbisyo. Lahat dapat nagtatrabaho.”

Winika pa ni Castro na ang pagsibak sa mga nasabing tauhan ay pagpapakita lamang ng malawak na pagsusulong ng administrasyong Marcos para sa ‘efficiency, discipline, at accountability’ sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.

“Public service must always come before personal convenience,” ani Castro.

“Serbisyo publiko ang unahin, hindi ang sarili,” aniya pa rin.

Samantala, ang mga tauhan na sangkot ay mahaharap sa administrative sanctions para sa ‘willful impropriety o gross negligence’ sa pagganap ng tungkulin sa ilalim ng Republic Act 9514 or the Fire Code of the Philippines, na may mandato na ang ‘fire lanes at emergency access bays’ ay mananatili na unobstructed sa lahat ng pagkakataon para pigilan ang ‘service disruptions.’

(CHRISTIAN DALE)

63

Related posts

Leave a Comment