Ayaw sa POGO pero okay sa online gambling PAGIGING IPOKRITO NG MARCOS ADMIN SAPUL SA CBCP

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG natumbok ng simbahan ang pagiging ipokrito ng administrasyong Marcos ang pangangalampag kamakailan ni Caloocan Bishop at Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) President Pablo Virgilio Cardinal David sa gobyerno para mapigilan ang talamak na online gambling sa bansa.

Pinangangambahan ni David ang matinding epekto ng online gambling na bukas sa lahat kahit sa kabataan.

“Wala na yatang mas titindi pang kabaliwan kaysa sa ahensya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa ilegal na offshore gambling, samantalang ginawa namang legal ang online gambling dito mismo sa bayan natin— kumpleto, todo-todo, walang hiya. Bukas sa lahat, sa bata o matanda, 24 oras kada araw, pitong araw kada linggo,” bahagi ng post sa social media ng CBCP nitong Lunes, Hunyo 30.

Hindi rin nakaligtas sa matalas na pahayag ni David ang mga artistang nag-eendorso ng sugal.

Aniya, maituturing ang mga itong mga tulak o pusher ng pasugalan ng mga “bilyonaryong walang konsensya”.

“Sino ang may pakialam kung mga niro-role model na mga sikat na artista mismo ang magbenta ng konsensya at mag-endorso ng mga online gambling sites sa social media? Nagpapaupa bilang pushers, tagapagtulak ng pasugalan ng mga bilyonaryong walang konsensya. Nilalambat ang mga inosente at desperado sa malawak na digital na dagat ng sugalan,” ani Bishop David.

104

Related posts

Leave a Comment